Nababahala si Senadora Risa Hontiveros sa mga ulat na napipilitan ang mga HIV treatment hubs na pagkasyahin ang antiretroviral (ARV) drugs para sa kanilang mga pasyente dahil sa delayed at kulang ang supply ng gamot sa bansa.
“Kalusugan at buhay ang nakataya rito, kaya dapat kumikilos na ang gobyerno para agad na mapunan ang shortage ng ARVs at maiwasan na mahinto ang gamutan ng mga People Living with HIV (PLHIV),” pahayag ni Hontiveros sa isang statement.
“Hindi puwedeng paputol-putol at dapat araw-araw ang kanilang pag-inom ng ARV para manatili silang malusog,” dagdag pa niya,
Ang priority ngayon para mapawi ang pangam¬ba ng mga PLHIV, ayon kay Hontiveros, dapat siguraduhin ng DOH na tutuparin ng supplier ang pangako nitong ma-deliver ang ARV drugs at maipamigay ito sa mga treatment hubs sa lalong madaling panahon. (Dindo Matining)
---
Sinagot ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Claire Castro si Senador Robin Padilla matapos siyang sabihang huwag maging “balat-sibuyas” kaugnay ng komprontasyong kinasangkutan ng ilang opisyal ng PCO sa Canada.
Sana ay inalam muna ni Padilla ang buong nangyari bago ito nagsalita, ayon kay Castro.
Aniya, hindi sila ang nagpakalat ng viral video, wala rin silang isinampang reklamo at wala silang balak na palakihin ang isyu.
Dagdag pa ni Castro, si Padilla ang mas dapat tawaging “balat-sibuyas” dahil madali umano itong umalma kapag napuputol ang pagsasalita sa pagdinig sa Senado.
Para sa abogado, hindi pagiging “balat-sibuyas” ang usapin kundi ang pagmumura at paghiling na mamatay ang kapwa.
Hindi aniya dapat kinukunsinti ang ganitong asal dahil maling halimbawa ito sa kabataan. (Prince Golez)