Skip to content

July 31 - 7am NEWS

July 31 - 7am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jul 31, 2026 | 7:30 AM

Sumusunod lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa batas at tamang proseso sa pagpayag na isumite ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga bank, tax records sa Impeachment Court.

Tugon ito ni Palace Press Officer USec. Claire Castro sa pagkwestiyon ni Atty. Manases Carpio, asawa ni VP Sara sa ginawang pagbibigay ng authorization ni Pangulong Marcos sa kanilang mga financial documents.

Ayon kay Castro, may karapatan si Atty. Mananes Carpio na magsampa ng anumang legal na aksyon kung may pagtutol siya sa naging hakbang ng Pangulo. 

Sinabi ni Castro, layunin lamang ng administrasyon na mailabas ang katotohanan at walang dapat ikabahala ang sinumang walang itinatagong anomalya sa kanilang mga rekord.

**

Naghain si Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ng House Bill 9476 na naglalayong magtatag ng Barangay Legal Aid Desks (BLADs) at Mobile Legal Clinics (MLCs) upang mailapit ang libreng serbisyong legal sa mga Pilipino, lalo na sa mga nasa liblib at underserved na komunidad.

Sa ilalim ng panukala, pangungunahan ng Department of Justice (DOJ) at Public Attorney’s Office (PAO) ang pagpapatakbo ng mga mobile legal clinic na magbibigay ng libreng legal na konsultasyon, tulong sa paghahanda ng mga affidavit, kontrata at iba pang legal na dokumento, gayundin ng mediation at conciliation services.

Ang bawat barangay naman ay magkakaroon ng legal aid desk na pamamahalaan ng mga sinanay na paralegal, volunteer lawyers at law student interns.

**

Mariing itinanggi ni Department of Health (DOH) Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. ang mga akusasyon na siya ay madalas magpunta sa mga casino para magsugal.

Ayon sa opisyal na pahayag ng kagawaran, ang kaniyang pagbisita sa isang hotel kamakailan ay para sa isang opisyal na pagpupulong at hindi para sa personal na libangan.

Nilinaw rin ni Sec. Pujalte na noong Hulyo 20, nagtungo siya sa isang hotel sa Sorsogon para sa isang official meeting kasama ang mga lokal na opisyal ng Masbate at Sorsogon.

Tanging ang pagbibigay aniya ng tulong sa mga pampublikong ospital sa Bicol region ang pinag-usapan sa naturang pagtitipon.

Tinawag naman ng kalihim na isang kasinungalingan o “demolition job” ang kumakalat na liham upang masira ang kaniyang kredibilidad bilang bagong pinuno ng DOH.