Skip to content

July 31- 6 am NEWS

July 31- 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jul 31, 2026 | 6:30 AM

Kinondena ni Kamanggagawa Party-list Representative Elijah San Fernando ang inilabas na ‘status quo ante order’ ng korte para pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng P85 dagdag sa minimum wage sa National Capital Region.

Ayon kay San Fernando, labag sa Labor Code ang naturang kautusan ng korte.

Paliwanag ng abogado, nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na walang hukuman, tribunal o iba pang entity ang maaaring magpalabas ng injunction o temporary restraining order laban sa mga proceedings o desisyon ng National Wages and Productivity Commission at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.

Itinatakda rin aniya ng Article 123 ng Labor Code na ang mga apela kaugnay ng wage order ay dapat idaan sa National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment (DOLE).

***

Ibinunyag ni Senador Ping Lacson ang pagkakatulad ng modus sa flood control scandal sa Bulacan at sa umano’y nangyayari sa mga flood control project sa Taguig City.

Natuklasan umano ng team ni Sen. Lacson na parehas ang ilang ginamit na templates para sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan at sa ilang kwestiyonableng proyekto sa Taguig.

Maging ang ilang larawan aniya ay pareho rin.Ang naturang template at mga larawan aniya ay ginagamit din sa iba pang bahagi ng bansa.Ang pagkakaiba lamang aniya ay ang petsa sa mga naturang proyekto.

Giit pa ni Lacson, tanging si Sen. Alan Peter Cayetano lang ang may kontrol sa mga proyekto sa Taguig na nasa ilalim ng First Metro Manila District Engineering Office.

**

Mag-aalok ng libreng sakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) tuwing Miyerkules sa Agosto para sa National ID holders.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), tatakbo ang libreng sakay mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

Magsisimulang ipatupad ang libreng sakay sa Agosto 5, 12, 19 hanggang 26.

Para ma-avail ito, kailangan lamang magpresenta ng pasahero sa istasyon ng physical National ID, maaari ring digital o printed ePhilID.

Sinabi ng Transportation Department na ang alok na libreng sakay ay kasabay ng pag-marka ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa anibersaryo ng Philippine Identification System Act.