Isang banal na misa ang idinaos upang ipagdasal ang mga House prosecution panel na maglalatag ng ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang lumabas ang katotohanan.
Dumalo sina public prosecutor na sina Representatives Gerville Luistro (Batangas), Joel Chua (Manila), Leila de Lima (Mamamayang Liberal), Lorenz Defensor (Iloilo), Arlene Bag-ao (Dinagat Islands), at Ysabel Maria Zamora (San Juan) sa misa na ginanap sa Chapel of the Nativity ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City kasama ang mga pribadong prosecutor.
Si Fr. Bong Sarabia CM, ang main celebrant at si Msgr. Mel David ng Parañaque ang nagbigay ng homily. Naroon din sina Fr. Flavie Villanueva, SVD, Fr. Bong Sarabia, CM, Fr. Robert Reyes, at Fr. Joel Saballa at co-celebrators na sina Fr. Niño Etulle, SCJ, Fr. Choi Gliponeo, Fr. Raul Enriquez, at Fr. Manoling Francisco, SJ.
Sa kanyang sermon, sinabi ni David na tinitignan ng mga Pilipino ang Hulyo 6 bilang isang oportunidad upang tumayo at maglakad. Sa Hulyo 6 itinakda ang pagsisimula ng paglilitis ni Duterte.
Ayon sa kanya ang mga prosecutor ay mayroong trabaho na tulungan ang bansa na malaman ang katotohanan kaugnay ng maling paggamit ng pondo ng taumbayan, mga kuwesyunableng paggamit ng pondo at mga patronage anti-poverty programs.
“Hahalukayin ninyo nang sa gayon ang katotohanan ay tuluyang lumabas at makita ng sambayanang Pilipino ang katotohanan,” sabi ni David.
“You have to take courage, not from human society, but from God,” dagdag pa nito. “You need wisdom that is not mastered by the knowledge you have, but rather by the guidance of the Holy Spirit.” (Billy Begas)
---
Hindi pa matukoy ng Department of Justice (DOJ) kung may naganap na sabwatan sa umano’y pagtulong kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makalabas sa Senado noong Mayo 14.
Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato, kulang pa ang ebidensiya para makabuo ng konklusyon kaya hinayaan muna sa panel of prosecutors ang pagpapatuloy ng imbestigasyon.
“Hindi pa buo ang evidence upon which the panel would be confident to make a determination. So, iwan muna natin sa panel ang pag-complete ng investigation in due course, then we will make the appropriate announcement when the determination is finally made by the panel,” ani Dato.
Inihayag din ni Dato na nagsagawa na ng ocular inspection ang panel sa Senado dalawang araw na ang nakalipas. Humiling din ang panel ng mga dokumento, kabilang ang CCTV footage sa mga petsang may kaugnayan sa insidente, ngunit humingi pa ng dagdag na panahon ang Senado para maibigay ang mga ito.
Samantala, sinabi rin ng DOJ na hindi pa naibabalik ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang rekla¬mong obstruction of justice laban kay Senador Robin Padilla, na isa sa mga iniuugnay sa umano’y pagtulong kay Dela Rosa.
Nauna nang ibinalik ng DOJ sa CIDG ang reklamo para sa karagdagang imbestigasyon alinsunod sa Department Circular No. 20. (Prince Golez)