Isinusulong ng pamahalaan ang pagtatatag ng kauna-unahang komprehensibong legal framework sa bansa para sa consumer-directed financial data sharing na magpapahintulot na magamit ang araw-araw na digital transactions ng mga Pilipino bilang patunay ng kanilang creditworthiness o kakayahang makautang.
Layunin ng House Bill No. 9149 o Open Finance and Consumer Data Empowerment Act of 2025 na tugunan ang agwat sa pagitan ng aktuwal na pakikilahok ng mga Pilipino sa digital economy at ng kasalukuyang paraan ng mga financial institution sa pagsusuri ng credit standing ng isangtao.
Kapag naisabatas, bibigyan nito ang mga consumer ng karapatang pahintulutan ang pagbabahagi ng kanilang financial at transactional data sa mga accredited lender at financial service provider para magamit sa credit evaluation.
Kabilang sa maaaring gamiting alternative data ang bill payments, subscription activity, rewards card usage at iba pang transaksiyon na maaaring sumaklaw sa hanggang 24 na buwan.
Makakatulong ito lalo na sa mga Pilipinong walang bank loan, credit card o deposit account na nagsisilbing tradisyonal na basehan ng credit history.
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isa sa mga may-akda ng panukala, mahalagang magamit ang digital records ng mga Pilipino upang mapalawak ang access sa financial services.
Suportado rin ng Fintech Alliance Philippines ang panukala. Ayon kay board of trustee Todd Schweitzer, makatutulong ang open finance upang mapalawak ang financial inclusion at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa consumers at industriya.
Batay sa datos, 57.4 porsiyento ng retail payment transactions sa Pilipinas noong 2024 ay isinagawa sa pamamagitan ng digital payments, habang tinatayang 58 milyong Pilipino na ang gumagamit ng e-wallets. Gayunman, nananatiling maraming Pilipino ang underbanked at walang sapat na financial records para makakuha ng pormal na pautang.
Bahagi rin ng panukala ang pag¬likha ng Consumer Data Commission (CDC) sailalim ng Office of the President. Saklaw nito hindi lamang ang mga bangko at financial institution kund pati telecommunications companies, utility firms at iba pang kumpanyang humahawak ng consumer data.
Ang CDC ang magtatakda ng technical at security standards para sa data transfers, mag-a-accredit ng mga awtorisadong tatanggap ng data, magsasagawa ng compliance audits at magpapataw ng parusa sa mga lalabag. Magsusumite rin ito ng taunang ulat sa Kongreso at magsasagawa ng review sa batas kada dalawang taon.
---
Inatasan ng preli¬minary investigation team ng Office of the Ombudsman si dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, at iba pa na magpaliwanag sa kanilang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control project.
Nauna rito ay nagsampa ang Ombudsman ng supplemental complaint para sa preliminary investigation laban kay Romualdez, dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at iba pa dahil sa rekla¬mong plunder, graft, bri¬bery, at money laundering
“I can confirm that an order to file counter-affidavit has been issued by the preliminary investigation team to former Speaker of the House, Martin Romualdez, as well as the rest of the respondents,” saad ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang statement.
Nitong Lunes, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malapit nang isampa ang patong-patong na kaso laban sa pinsan niyang si Romualdez.
---
Tahasang sinabi ni Vice President Sara Duterte na pag-aaksaya lamang ng oras ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil hindi naman natutupad ang mga ipinapangako nito, at wala pang nakukulong na miyembro ng Kamara de Representantes sa flood control scandal.
“Wala naman siya napakulong sa flood control scandal eh. At saka, ‘yung sinabi niya na ‘mahiya naman kayo,’ it was a PR stunt na tinali nila ‘yung linya na ‘yun, sa speech niya, na nag-backfire,” wika ni Duterte.
Aniya, si Pangulong Marcos dapat ang sampahan ng impeachment dahil ito ang pumirma sa national budget kung saan hitik ang mga pondong ginamit sa flood control scam.
“‘Di ba ‘yan din ‘yung sinabi niya last year, bago mag-December, may makukulong na. So meron bang makulong bago mag-Christmas? So huwag n’yo na i-expect na makulong. So huwag n’yo na i-expect na makulong ‘yang… dating Speaker o mga member ng House of Representatives,” diin ng Bise Presidente.