Kalahati ng mga miyembro ng Senado ang hindi dumalo sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Hulyo 27.
Kabilang sa hindi nakadalo ay si Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III at Senador Panfilo “Ping” Lacson mula sa hanay ng majority bloc.
Ayon kay Sotto, mayroon umano siyang ‘bad colds’ kaya ayaw niyang makahawa sa mga kasamahang mambabatas. Puspusan umano ang pagpagamot niya para makapasok na ngayong Martes.
Sa hanay naman ng minority, hindi dumalo sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senador Pia Cayetano, Imee Marcos, Loren Legarda, Robin Padilla, Mark Villar, Christopher “Bong” Go at mga nakakulong na sina Senador Jinggoy Estrada at Rodante Marcolete pati na ang nagtatagong si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
“Ako mas preference ko siguro panoorin na lang sa TV. Baka mas komportable din ‘yung administrasyon that way and it’s my simple way of protesting pati sa pagbla-black,” sabi ni Cayetano sa panayam ng mga reporter.
“Okay lang, pakikinggan. ‘Yun nga lang, masama loob namin dahil sa pinagkukulong, kinakasuhan ang minority. ‘Yun lang, parang ‘di ko kaya eh. Masama ang loob ko d’yan eh,” paliwanag naman ni Marcos.
Matatandaan na si Estrada ay nakulong sa plunder kaugnay ng flood control scandal samantalang si Marcoleta ay dahil din sa plunder kaugnay ng hindi nito pagdeklara ng P75 milyong donasyon noong 2025 midterm elections.
Si Dela Rosa ay inisyuhan na ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) kaya patuloy sa pagtatago. (Dindo Matining)
---
Pinayuhan ng Malacañang si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na huwag magbulag-bulagan at huwag ipahid kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga gawain ng kanyang amang si da¬ting Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng paghahalintulad ng alkalde sa mga kilos ng Pangulo na umano’y galawang sindikato.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na noong panahon ng Duterte administration, ang Philippine National Police ay ginawang pinakamalaking organized crime group, batay aniya ito sa dating tauhan ni dating Pangulong Duterte na si Col. Jovie Espenido.
“So huwag n’ya po ipahid kay Pangulong Marcos Jr. ‘yung ginawa ng kanyang ama nu’ng siya ay presidente,” ani Castro.
Tinukoy rito ni Castro ang umano’y pamimigay ng pera para pumatay, kung saan naitala ang maraming pagpatay kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon. (Aileen Taliping)
---
Iginiit ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pangangailangan ng mas matibay na proteksiyon ng publiko laban sa online harms at disimpormasyon at tiniyak ang pagbibigay ng prayoridad ng Kongreso sa mga panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga pamilyang Pilipino.
“The 20th Congress has also tackled and passed measures that involve the use of technology and the internet to safeguard our youth. Lubos na nakakabahala po na ang ating kabataan ay na-e-expose sa karahasan, kabastusan, at iba pang sensitibong content na nakalalason sa kanilang murang kaisipan,” sabi ni Dy sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Ikalawang Regular Session ng 20th Congress.
“Sa kasamaang palad, maging tayong mga matatanda ay hindi ligtas sa mga maling impormasyon na nagiging sanhi ng pag-aaway at pagkakawatak-watak,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Dy na naaprubahan na ng Kamara de Representantes ang mahahalagang panukalang batas na tumutugon sa online harms, kabilang dito ang Digital Media Anti-False Information Act at ang Child Online Safety and Protection Act of 2026. (Billy Begas)