Iniulat ng Philippine Coast Guard na binomba ng tubig ng China Coast Guard ang BRP Datu Dumangsil malapit sa Bajo de Masinloc nitong Huwebes ng umaga. Isa pang barko ng CCG ang nagsagawa ng dangerous maneuver laban sa BRP Datu Paiburong.
Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, spokesperson ng PCG para sa West Philippine Sea, nagpatuloy ang misyon ng PCG at BFAR sa ilalim ng Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda program sa kabila ng ‘illegal, coercive, at aggressive actions’ ng CCG upang magbigay ng fuel subsidies at seguridad sa mga mangingisdang Pinoy.
Gayunman, bigla umanong binomba ng tubig ng isang barko ng CCG ang BRP Datu Dumangsil, na umabot ng higit dalawang minuto.
Dakong 5:54 ng umaga, lumapit ang CCG 3302 may 50 metro mula sa BRP Datu Dumangsil. Bndang 6:29 ng umaga, binomba ng tubig ang barko nang higit dalawang minuto. Samantala alas-6 ng umaga, isa pang barko ng China (CCG 21579) ang tumawid sa harap ng BRP Datu Paiburong sa mapanganib na distansya.
Walang nasugatan sa insidente at naipagpatuloy ng mga barko ng Pilipinas ang kanilang misyon. Tinuligsa ni Tarriela ang aksyon ng CCG bilang paglabag sa COLREGs at banta sa mga Filipino personnel.
Samantala, nag-deploy ang PCG ng Cessna Grand Caravan para sa Maritime Domain Awareness flight, kung saan na-monitor ang siyam na barko ng CCG, dalawang Chinese militia vessels, at isang PLA-Navy vessel sa lugar.
Nanindigan si Tarriela na ang Bajo de Masinloc ay integral na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, at patuloy na susuportahan ng PCG at BFAR ang mga mangingisdang Pinoy alinsunod sa UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award.