Skip to content

July 23 - 8 am NEWS

July 23 - 8 am NEWS
Jul 23, 2026 | 9:47 AM

Inako ng Houthi rebels sa Yemen ang pag-atake sa dalawang oil tankers ng Saudi Arabia sa Red Sea.

Tinukoy ng Houthis ang mga inatakeng barko na Encelia at Layla.

Bagamat inako ng rebeldeng grupo na sila ang nasa likod ng pag-atake, hindi pa ito kumpirmado sa ngayon.

Ayon sa kanilang military spokesperson na si Yahya Saree, tinarget ang mga barko gamit ang mga missile at drone dahil sa paglabag sa ipinatupad nilang naval blockade laban sa mga sasakyang pandagat ng Saudi Arabia.

Aniya, nangako ang Houthis na ipagpapatuloy nila ang kanilang naval operations gayundin ang pagpapatupad ng tinawag nilang “siege for a siege equation.”

Una rito, nitong umaga ng Huwebes, Hulyo 23, kinumpirma ng Saudi Press Agency na tinamaan ang barkong Encelia habang naglalayag sa Red Sea, na nagdulot ng sunog sa bow o unahang parte ng barko.

Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung gaano kalaki ang pinsala sa ikalawang barko, bagamat idineklara ng mga awtoridad na ligtas ang lahat ng tripulante ng mga barko at walang naiulat na nasaktan.

Samantala, nagdulot naman ang mga pag-atake sa lugar ng matinding pangamba sa seguridad ng mga commercial vessel na naglalayag sa Red Sea.

Maraming oil tanker ang napilitang magbago ng ruta o umurong upang iwasan ang Bab el-Mandeb Strait. Nagbabadya rin ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa tensyon.

---

Patay ang isang alkalde sa bansang Mexico matapos na ito ay barilin.

Nasa loob ng munisipyo si Mayor Valentin Lavin ng bayan ng Temorac noong ito ay biglang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek.

Dinala pa sa pagamutan ang alkalde subalit hindi na ito umabot pa ng buhay.

Ang alkalde ay kaalyado ni Pangulong Claudia Sheinbaum sa leftist party kung saan nakaligtas na ito sa unang assasination attempt noong Enero.

Patuloy na tinutukoy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga hindi pa kilalang suspek.