Napigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok sa bansa ng isang Omani national matapos ma-flag ng Interpol bilang posibleng banta sa seguridad.
Ayon sa BI, natukoy ng Advance Passenger Information System (APIS) noong Hulyo 10 ang alerto laban sa 49-anyos na dayuhan na palapag sa NAIA Terminal 3 sakay ng flight mula Doha, Qatar.
Agad nakipag-ugnayan ang APIS Operations Center sa BI Interpol Unit upang beripikahin ang impormasyon bago inatasan ang BI Anti-Terrorist Group na magsagawa ng operasyon.
Pagdating sa airport, agad siyang hinarang ng mga tauhan ng BI.
Batay sa natanggap na impormasyon, sinabi ng BI na ang Omani national ay pinaniniwalaang bumabiyahe sa ibang bansa upang lumahok sa mga aktibidad na may kaugnayan sa terorismo.
Dahil dito, hindi siya pinayagang makapasok sa Pilipinas alinsunod sa umiiral na mga immigration law.
---
Kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Ruling sa West Philippine Sea, matagumpay na isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG), katuwang ang FPJ Youth ang “Project: Baybayanihan: An FPJ Youth and Philippine Coast Guard Partnership for Active Youth SEA-tizenship” noong Hulyo 19, 2026.
Dinaluhan ng mahigit 100 kabataan at student leaders mula sa National Capital Region (NCR) ang programa, na naglalayong palakasin ang kamalayang sibiko, pagkamakabayan, at pangangalaga sa kalikasan sa hanay ng mga kabataang Pilipino. Nakiisa rin sa aktibidad ang 50 volunteers na uniformed personnel mula sa Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Philippine Air Force (PAF).
Sinimulan ang unang yugto ng programa sa pamamagitan ng coastal clean-up drive sa Manila Bay Beach o mas kilala bilang Dolomite Beach, kung saan sama-samang naglinis ang mga kalahok at mga tauhan ng PCG upang mangalap ng mga basurang dagat at palawakin ang kamalayan hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat at kapaligiran.
Kasunod nito, nagtungo ang mga kalahok sa Philippine Coast Guard National Headquarters sa Maynila para sa serye ng mga civic education talks na nakatuon sa maritime safety, responsibilidad sa kalikasan, tungkuling sibiko, at serbisyo sa bayan.
Kabilang sa mga naging tagapagsalita sina FPJ Panday Bayanihan Rep. Brian Poe; Rear Admiral Roben N. De Guzman, PCG, Commander ng Coast Guard Civil Relations Service (CGCRS); at Commissioner Juaquine Castro, Commissioner for Visayas ng National Youth Commission.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Poe ang mahalagang papel ng kabataan sa pagpapaunlad ng bansa at ang layunin ng programa na gawing aktibong katuwang ang mga kabataan sa pangangalaga sa karagatan at komunidad.
“Kapag nabibigyan ng tamang oportunidad ang ating mga kabataan, they become more than participants; they lead, they inspire, and they create meaningful change. That is exactly what Project Baybayanihan is all about,” ani Poe.
Ayon pa sa kanya, ang pakikipagtuwang ng FPJ Youth at Philippine Coast Guard ay isang konkretong pagsasabuhay ng diwa ng bayanihan at isang hakbang upang hubugin ang mga kabataang may malasakit sa kapaligiran at sa kapakanan ng bansa.
“Ang dagat ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang isang bansang arkipelago. Hindi lamang ito nagdurugtong sa ating mga pulo at kabuhayan, kundi mahalagang bahagi rin ng ating ekonomiya at pambansang seguridad. Kaya naman, ang pangangalaga sa ating karagatan ay responsibilidad ng bawat Pilipino,” dagdag pa ng mambabatas.
Iginiit naman ni Rear Admiral De Guzman sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng tinatawag na “3Cs” — Competence, Capability, at Character. Ayon sa kanya, bagama’t mahalaga ang kakayahan at kahusayan, ang mabuting pag-uugali at integridad ang nagsisilbing pundasyon ng makabuluhang paglilingkod sa bayan.
Hinamon din niya ang mga kabataan na kilalanin ang kanilang mahalagang papel hindi lamang bilang kinabukasan ng bansa kundi bilang mga katuwang sa kasalukuyan sa pagsusulong ng nation-building. Hinikayat niya ang mga ito na maging tagapagtaguyod ng responsibilidad sa lipunan, pangangalaga sa kalikasan, at positibong pagbabago sa kani-kanilang komunidad.
Binigyang-diin naman ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng kabataan sa mga usaping panlipunan at pangkalikasan upang mahubog ang isang henerasyon ng mga responsableng mamamayan at tunay na “SEA-tizens.”
Bilang pangwakas na bahagi ng programa, nagkaroon ng “ship tour” sa BRP Malabrigo (MRRV-4402) para magbigay ng pagkakataon sa mga kalahok na masaksihan ang mga operasyon at misyong pandagat ng Philippine Coast Guard.