Skip to content

July 22 - 7 am NEWS

July 22 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 22, 2026 | 9:06 AM

Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pahayag ng China na “pinayagan” o “binigyan ng permiso” ng China Coast Guard (CCG) ang naganap na medical evacuation ng mga sugatang sundalong Pilipino mula sa Ayungin Shoal.
Sa opisyal na pahayag ng AFP ngayong Miyerkules, Hulyo 22, sinabi nito na ang matagumpay na operasyon noong Hulyo 21 ay isinagawa sa ilalim lamang ng awtoridad ng Pilipinas at bilang pagpapatupad ng ating karapatan sa soberanya sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Binigyang-diin ng AFP na hindi humihingi at hindi kailanman kakailanganin ng Pilipinas ang pahintulot mula sa alinmang dayuhang bansa upang magsagawa ng operasyon sa sarili nating teritoryo.
Tinawag din ng militar na isang “false narrative” o gawa-gawang kuwento ang pahayag ng CCG. Layunin lamang umano nito na ipakita ang iligal na awtoridad ng China sa lugar kahit na wala naman.
 
**
Naghain ng “not guilty plea” sina Senador Rodante Marcoleta at kaniyang kapwa-akusadong si Joseph Espiritu sa Sandiganbayan kasabay ng kanilang arraignment ngayong Miyerkules, Hulyo 22 kaugnay ng kanilang kinakaharap na kaso may kinalaman sa umano’y hindi idineklarang campaign donations.
Parehong naghain si Marcoleta ng not guilty plea para sa kasong plunder at paglabag sa isa sa tatlong bilang ng Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na tumanggap ng mga regalo, at nagbabawal din sa mga pribadong tao na magbigay ng regalo sa kanila.
Ang dalawang PD No. 46 cases ni Marcoleta ay hinahawakan ng First at Fourth Division. Ang isang campaign donor umano ng senador at negosyanteng si Aristotle Viray ang kapwa-akusado niya sa ilalim ng First Division habang si dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor naman sa ilalim ng Fourth Division.
Naghain din ng parehong plea ang campaign donor umano ni Marcoleta na si Joseph Espiritu para sa paglabag sa parehong batas (PD No. 46).

**
 
Nagsuspinde ng face-to-face classes ang ilang paaralan at lokal na pamahalaan ngayong araw  Miyerkules, Hulyo 22, bilang pagtalima sa gaganaping transport strike at paggunita ng mahahalagang okasyon sa kani-kanilang lugar.
Ayon sa mga inilabas na abiso, suspendido ang face-to-face classes mula Kinder hanggang Senior High School sa University of the East (UE) Manila Campus at University of the East (UE) Caloocan Campus dahil sa transport strike.
Samantala, wala ring face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan sa General Santos City kaugnay ng pagdiriwang ng Indigenous People’s Blaan Day.
Sa Kawit, Cavite, suspendido rin ang face-to-face classes sa lahat ng antas, sa pampubliko at pribadong paaralan, bilang paggunita sa Pistang Bayan ni Sta. Maria Magdalena.