Skip to content

July 22 - 6 am NEWS

July 22 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 22, 2026 | 7:54 AM

Nababawasan umano ang kalidad ng talakayan sa impeachment proceedings kapag may “bopol” na senator-judge na umentra sa diskusyon.

Inihayag ito ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang social media post nitong Martes, Hulyo 21, sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Anang senador, marami umanong natututunan ang publiko kapag mahusay ang palitan ng argumento ng panig ng prosekusyon at depensa.

“Kapag magagaling ang mga abugado ng prosekusyon at depensa, masarap makinig; ang dami nating natutuhan,” ani Lacson. “Ang problema, kapag may umentra na senator-judge na ‘bopol’, nakaka-bobo naman. Win some, lose some.”

Hindi naman pina¬ngalanan ng senador kung sino ang tinutukoy niyang senator-judge. (Angelica Malillin)

---

Lumagda sa kasunduan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Landbank of the Philippines para bumuo ng AI-powered digital solutions na magpapadali sa pagkuha ng pautang at pagpapalago ng mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ang inisyatiba ay bahagi ng ASEAN priority economic devirable ng Pilipinas na naglalayong palawakin ang paggamit ng abot-kayang Artificial Intelligence tools para sa maliliit na negosyo habang ang bansa ang kasalukuyang chair ng ASEAN.

Sa ilalim ng kasundugan, magtutulungan ang DICT at Landbank sa pagbuo ng AI platform na tutulong sa mga MSME sa paggawa ng business plans, paghahanda ng mga dokumento, pag-unawa sa mga kontrata at paglikha ng marketing content, at pagtukoy sa mga programang pinansiyal ng pamahalaan.

Ayon sa DICT, ang AI platform ay magiging available sa Filipino, English at iba pang pangunahing wika sa bansa para sa mas maraming negosyante ang makinabang at maging mas handa sa pagkuha ng puhunan at pagpapalawak ng kanilang negosyo.

---

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Philippine Army commanding general Lieutenant General Antonio Nafarrete bilang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ayon sa Department of National Defense nitong Martes.

Si Nafarrete ang papalit kay AFP chief General Romeo Brawner Jr., na nagretiro nitong Martes.

Samantala, si Western Mindanao Command (WESMINCOM) chief Lieutenant General Donald Gumiran naman ang uupong commanding general ng Philippine Army dahil sa bagong appointment kay Nafarrete.

“The DND congratulates Lieutenant General Nafarrete and Lieutenant General Gumiran on their appointments and looks forward to their leadership in upholding professionalism, excellence, and dedicated service to the Filipino people,” saad ni DND spokesperson Arsenio Andolong.

Si Nafarrete ay miyembro ng Philippine Military Academy “Bigkis-Lahi” Class of 1990. Siya ay naging lider ng 1101st Infantry Brigade at 11th Infantry Division, gayundin sa Office of the Deputy Chief of Staff for Operations, J3, AFP.

Nagsilbi rin siyang chief ng WESMINCOM noong Nobyembre 2024 at naging pinuno rin ng 1st Infantry Division at Joint Task Force Zampelan ng WESMINCOM.