Sinita ni Senate Committee on Environment and Natural Resources Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang naging pahayag ni Department of Health Environmental and Occupational Health Division Chief Dr. Gabriel Borlongan na wala umanong direktang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan ang mababahong landfills.
Sa hearing ng komite nitong Lunes, Hulyo 20, tinanong ni Sen. Raffy si Borlongan kung may datos ba ang DOH sa mga sakit na posibleng makuha ng mga taong nagtatrabaho sa landfill areas, kung saan may posibilidad na ma-expose sila sa mga toxic at contaminated chemicals gaya ng mercury.
Dito ay personal na inamin ni Borlongan na wala silang routine monitoring at surveillance sa mga ganitong kaso. Inamin din niya na base sa mga lokal at internasyonal na pag-aaral, maari ngang magdulot ng infectious diseases at abnormalities sa immune system ang pagkaka-expose sa mga naturang kemikal.
Tinanong din ni Sen. Tulfo kay Borlongan kung paano nito nasabing walang direktang epekto sa kalusugan ng mga tao ang mababahong landfills gayong marami na siyang natatanggap na mga reklamo sa kanyang programa mula sa mga residenteng nakatira malapit sa mga babuyan o landfill. Iminungkahi rin niya na pag-aralan ang pagkakaroon ng sapat na gamot sa mga barangay para sa mga nasabing sakit – bagay na sinang-ayunan ni Borlongan.
********
Ipinag-utos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagsisiyasat sa reservist record ni Senador Robin Padilla matapos nitong aminin sa Senado na isa siyang komunista.
Kasabay nito, lumalakas ang panawagan na patalsikin si Padilla bilang reservist ng Philippine Army dahil sa kanyang pag-amin. “Well, the AFP probably should take note of that and you know do its process accordingly,” pahayag ni Teodoro sa isang press briefing.
Sa tala ng Philippine Army, naging reservist si Padilla noong 2019 bilang huwaran umano sa kabataan at may ranggong Captain. Gayunman, noong nakaraang linggo sa kasagsagan ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, walang pasubaling inamin ng senador na isa siyang komunista, at idolo sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara.
Ayon sa panuntunan ng AFP Reservist Program, sinumang makagawa ng kabalintunaan ay maaaring mapatalsik, gaya ng nangyari kay dating Cavite Rep. Kiko Barzaga na tinanggal bilang reservist. Nakatakda namang sumailalim sa proseso at imbestigasyon ng Phl Army ang pag-amin ni Padilla.