Posibleng tumestigo si dating Senador Richard Gordon sa paglilitis sa Sandiganbayan First Division kaugnay ng kontrobersiyal na paglipat ng P41.46 billion sa COVID-19 response funds mula sa Department of Health tungo sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM).
Maaalalang si Gordon ang tumayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee noong simulan ang imbestigasyon taong 2021 sa umano’y kahina-hinalang transaksiyon.
Ayon sa Prosecutors, maaaring iharap ang dating senador sa sunod na pagdinig ng korte sa Agosto 3.
Kasalukuyan ngang nililitis ng First Division ang kasong graft laban kina dating Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at dating Department of Budget and Management Usec. Christopher Lloyd Lao kaugnay ng umano’y anomaliya sa pondo.
***
Nagprotesta ang grupong Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa Senado upang hilingin sa mga senador-hukom na maglabas ng subpoena para buksan ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.
Giit nila, mahalagang mailantad ang lahat ng financial transactions ng Bise Presidente upang masuri ng publiko ang kanyang kasaysayan bilang opisyal ng pamahalaan.
Pinabulaanan ng grupo ang pahayag ng depensa ni Duterte na ang pagbubunyag ng mga rekord ay “overblown” at “oppressive.”
Ayon sa SPARK, tungkulin ng Estado na imbestigahan ang lahat ng kaso ng katiwalian nang walang kinikilingan.
Dagdag pa nila, ang mga senador-judge na boboto laban sa subpoena ay maituturing na kasabwat sa pagtatakip ng katiwalian.