Skip to content

July 2 - 7 am NEWS

July 2 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 02, 2026 | 8:55 AM

Ilegal umanong kinuha ng 14-taong gulang na suspek sa pamamaril sa San Jose National High School noong Hunyo 22 ang baril ng kanyang tiyahin matapos pasukin ang bahay nito at sirain ang locker kung saan nakatago ang armas.

Ayon kay PSSg. Arla Ray Paciencia, nakatago ang kanyang 9mm Glock sa isang gun box sa loob ng plastic locker na may kandado. Siya lamang ang may hawak ng susi. Ngunit nakapasok umano ang pamangkin sa pamamagitan ng bintana, ayon sa hepe ng Tacloban City Police na si PCol. Noelito Getigan.

Humarap si Paciencia sa pagdinig ng Senado at inamin na minsan niyang isinama ang pamangkin sa ­firing range dahil nais nitong ma­ging pulis. Wala umano ­siyang personal na ka­alaman na ipinagbabawal ang menor-de-edad sa firing range.

Dagdag pa niya, madalas niyang tinutulungan ang pamangkin sa gastusin dahil kapwa walang trabaho ang mga magulang nito na kabilang sa 4Ps.

Tinukoy ni Sen. Risa Hontiveros na dapat masunod ang standard protocols sa pagtatago ng baril, gaya ng paggamit ng safety vault, upang maiwasan ang mga insidente. Inamin ni Paciencia na “in good faith” ang kanyang desisyon na ilagay ang baril sa plastic locker.

Samantala, naging emosyonal si Jenelyn Badoria, ina ng Grade 9 student na si Joyancee Separa na nasawi sa pamamaril, habang tinatanong kung bakit ang mga menor-de-edad na suspek ay dadalhin lamang sa Bahay Pag-asa, isang youth rehabilitation center. “Kung maaari, pababaan ‘yung edad na maaaring makasuhan dahil sabi ng nakabaril sa anak ko, wala siyang criminal liability,” ani Badoria.

Iginiit ni Badoria na dapat managot din ang mga magulang ng mga suspek at ang tiyahin ng 14-anyos na sangkot, na may-ari ng baril na ginamit. “Ang gusto kong managot yung mga magulang niya at guardian niya, lalo na yung may-ari ng baril… kasi siya ang nagturo sa pamangkin na gumamit ng baril,” dagdag niya.

---

Muling nagpaalala kahapon ang Department of Education (DepEd) sa mga paaralan na istriktong ipatupad ang polisiya na nagbabawal sa mga estudyante na gumamit ng gadgets sa oras ng klase, maliban na lamang kung para ito sa kanilang pag-aaral o kung may emergency.

Sa isang memorandum na may petsang Hunyo 30, ipinaalala ng DepEd ang mahigpit na implementasyon ng DepEd Order No. 006, s. 2026, o ang Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).

Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng portable electronic devices at paggamit ng social media, online games, content creation at vlogging, ng mga mag-aaral at ng mga personnel nito sa oras ng klase.

Layunin anila ng naturang kautusan na isulong ang kapakanan, kaligtasan, seguridad at proteksiyon ng mga mag-aaral at mga school personnel.

Maaari lamang umano itong payagan kung para ito sa academic purposes, gaya ng pag-access ng educational platforms at digital resources o paglahok sa authorized online collaborative activities, gayundin sa panahon ng emergency, kabilang na ang disasters, medical crises, at iba pang agarang safety concerns.

---

Tuluyan nang tinanggal ang mobile at PC game na GoreBox sa Google Play Store at Steam sa Pilipinas.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na dahil sa masusing pakikipag-ugnayan ng gobyerno ay pinagbigyan ng Google ang kahilingan nito alisin ang nasabing online gaming. Dahil dito, hindi na maaring i-download o laruin ang GoreBox sa Pilipinas. Kahit ang mga users na nakapag-download na nito bago maging epektibo ang restriction ay hindi na rin maaring ma-access ang laro.

Ikinatuwa naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mabilis na aksyon ng Google at Steam na maki­pagtulungan sa pamahalaan para isulong ang mas ligtas na online environment para sa ma kabataan.

Matatandaan na noong Hunyo 23 ay inanunsiyo ng Cybercrime Investigation and Coordina­ting Center (CICC) ang temporary ban sa Gorebox.

Ito ay dahil lumalabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na isa sa mga suspek sa school shooting sa Tacloban ay masugid na manlalaro ng GoreBox.