Skip to content

July 2 - 6 am NEWS

July 2 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 02, 2026 | 8:06 AM

Nais ni Senador Raffy Tulfo na susugan ang Republic Act 9344 o Juvenile Justice Welfare Act para mapondohan ang pagpapatayo ng hiwalay na detention facility sa mga menor de edad na nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Sa pagdining ng Senate Committee on Women and Children nitong Miyerkoles, Hulyo 1, binigyang-diin ni Tulfo na hindi sapat na inilalagay lamang sa mga Bahay Pag-Asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga child in conflict with the law (CICL) na dawit sa heinous crime.

Aniya, sa Bahay Pag-asa, madalas bini-baby lamang sila habang isinasailalim sa intervention at rehabilitasyon at kalaunan ay makakalaya na.

“Naniniwala ako na hindi sila dapat ihalo sa hardened criminals. Everybody believes that. Pero hindi rin dapat mawala ang mensahe na ang bawat aksiyon ay may consequence,” sabi ni Tulfo.

Kinatigan naman ni Jamie Separa, ina ng isa sa mga estudyanteng napatay sa shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, ang suwestiyon ni Tulfo. (Dindo Matining)

-----

Naniniwala si House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi protektado ng freedom of expression ang ginawang pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

“Well, you know, the legal community is unanimous in saying that the freedom of expression is not absolute. It has certain limitations,” sabi ni Alonto Adiong.

Iginiit ng mambabatas na ang pagbabanta ay iba sa pagpapahayag ng opinyon.

“And one of the limitations actually is not to use this as a way to threaten, make threats or grave threats against anyone, right? It’s not an opinion, it’s a threat,” dagdag pa nito.

Ayon kay Duterte, ang kanyang pahayag na mayroon siyang kinausap na papatay sa mag-asawang Marcos at Romualdez kung mayroong masamang mangyayari sa kanya ay freedom of expression na protektado ng Konstitusyon. (Billy Begas)

----

Nakakaawa ang isang obstructionist na katulad ni Senadora Imee Marcos dahil nakadepende lamang sa paggamit ng fake news para makapanira sa gobyerno at magkalat ng mga maling impormas¬yon, ayon sa Malacañang

Ito ang sagot ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mga banat ng senadora sa kanyang pagdalo sa rally ng Iglesia Ni Cristo noong Lunes ng gabi sa EDSA.

Ayon kay Castro, hindi niya matukoy kung bulag o nagbubulag-bulagan, o talagang nakapikit ang mata ng senadora sa katotohanan para masiraan lamang ang kasalukuyang gobyerno kahit na marami na ang nagawang tulong lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.

“Nakakaawa, nakakaawa ang mga obstructionist na tulad ng isang senadora. Nagre-rely, gumagamit ng fake news para makapanira lamang at para maikalat ang mga ganitong klaseng ma¬ling impormaasyon,” ani Castro.

Binigyang-diin ni Castro na nagpapakitang-gilas ang senadora sa pagsira sa gobyerno lalo na sa Pangulo gayong noong panahon ng Duterte administration ay alam niyang umamin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng ilegal na droga pero wala itong ginawa.

Sa kabila aniya ng pag-amin ni Duterte ay nanahimik ito at walang anomang pintas taliwas sa ginagawa nitong pag-iingay ngayon para siraan ang sariling kapatid sa publiko. (Aileen Taliping)