Skip to content

July 16 - 8 am NEWS

July 16 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 16, 2026 | 10:54 AM

Pinangangambahang nasawi ang higit 500 katao matapos lumubog ang dalawang bangka sa baybayin ng Myanmar sa mga nakalipas na araw ayon sa ulat ng mga ahensya ng United Nations (UN).

Nawalan ng kontak ang unang bangka matapos umalis na may sakay na humigit-kumulang 250 katao.

Pinaniniwalaang lumubog naman ang ikalawang bangka sa bahagi ng Ayeyarwady coast sa Myanmar na may dalang 280 pasahero.

Karamihan sa mga pasahero ay mga refugee mula sa minoryang Rohingya Muslim.

Ayon sa UN High Commissioner for Refugees (UNHCR) at International Organization for Migration (IOM), bumiyahe ang mga bangka sa labas ng regular na “sailing season” kung kailan masungit at delikado ang karagatan.

Ang mga Rohingya ay madalas sumasakay sa mga bangkang gawa sa kahoy upang tumakas sa karahasan sa Myanmar at sa siksikang mga refugee camp sa Bangladesh.

Target nilang makarating sa mga kalapit na bansa gaya ng Malaysia, Indonesia, o Thailand sa pag-asang magkaroon ng kaligtasan at oportunidad.

---

Nagbanta ang Iran na kanilang palalawakin ang pagharang sa mga pangunahing rutang dinaraanan ng mga energy exports sa Gitnang Silangan matapos muling ipatupad ng Estados Unidos ang naval blockade sa mga pantalan nito at maglunsad ng panibagong serye ng pag-atake malapit sa Strait of Hormuz.

Nagbabala ang Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), na kanilang isaisara ang iba pang rutang ginagamit sa paglabas ng langis at iba pang suplay ng enerhiya na pinakikinabangan ng U.S. at mga kaalyado nito.

Samantala, sinabi ng U.S. military na nagsagawa ito ng pitong oras na airstrike sa paligid ng Strait of Hormuz at sa mga baybaying bahagi ng Iran.

Inakusahan din ng Amerika ang Iran na responsable sa pag-atake sa pitong commercial ships nitong nakaraang linggo na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng ilang mga tripulante.

Nagbabala naman ang Iran na maaari nitong gamitin ang mga kaalyado nitong Houthi rebels sa Yemen upang pigilan ang pagdaan ng mga barko sa Bab el-Mandeb, isa pang mahalagang rutang dinaraanan ng langis at iba pang kalakal na nagdurugtong sa Red Sea at Gulf of Aden.

Nauna nang nagbabala ang isang mataas na opisyal ng Houthi na maaari nilang isara ang Bab el-Mandeb kung magpapatuloy ang mga pag-atake ng Saudi Arabia sa Yemen.

Hindi naman natinag si U.S. President Donald Trump at sinabing kanyang tatargetin ang mga pasilidad ng enerhiya, power plants, at mga tulay sa Iran kung patuloy itong magmamatigas na buksan ang kanilang nuclear program.