Skip to content

July 15 - 8 am NEWS

July 15 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 15, 2026 | 10:04 AM

Lumagpas na sa 4,700 ang bilang ng mga nasawi sa magkasunod na lindol na tumama sa Venezuela noong Hunyo 24.

Habang halos 17,000 naman ang nasugatan base sa pinabagong datos na ibinahagi ni National Assembly chief Jorge Rodriguez. Karamihan aniya sa mga nasugatan ang na-discharge na.

Sa ngayon, tinataya ng United Nations na mayroon pang 50,000 katao ang nananatiling nawawala kasunod ng malalakas na pagyanig.

Matatandaang nagdulot ng pagguho ng maraming gusali at pagka-trap o pagkabaon sa mga guho ng mga biktima kasunod ng malalakas na lindol.

---


Binawi ni US President Donald Trump ang kaniyang banta na pagpataw ng 20% “reimbursement fee” sa mga kargamento ng mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz.

Ito ay wala pang 24 oras matapos niya itong unang ipanukala noong Lunes, Hulyo 13.

Sa halip na singilin ang mga barko ng 20% fee, sinabi ni Trump na papalitan ito ng malawakang kasunduan sa kalakalan at pamumuhunan mula sa iba’t ibang Gulf States patungo sa Estados Unidos.

Ginawa rin ng US President ang pag-atras sa naturang panukala matapos magpahayag ng matinding pagkabahala ang mga bansa sa Gulf Cooperation Council (GCC).

Nagkakaisa ang mga bansang ito na hindi dapat patawan ng toll o singil ang mga barkong dumaraan sa estratehikong
lugar.

Agad ding nagpahayag ng pagtutol ang International Maritime Organization (IMO) ng United Nations. Ayon sa kanila, walang legal na batayan sa ilalim ng international law ang pagpapataw ng mandatoryong singil o toll sa strait na ginagamit para sa pandaigdigang paglalayag.

Sakali namang natuloy ang 20% na singil, nagbabala ang mga eksperto na maaari itong magdulot ng matinding pagtaas sa presyo ng langis, gasolina, at mga pangunahing bilihin sa buong mundo dahil ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakaimportanteng daanan ng suplay ng enerhiya.

Samantala, itutuloy pa rin ng Estados Unidos ang “full blockade” o pagharang sa mga barko ng Iran at sa mga kargamento nito. Ayon kay Trump, mananatiling bukas ang Strait of Hormuz para sa lahat ng bansa maliban na lamang sa Iran at sa kanilang mga customer.