Skip to content

July 13 - 7am NEWS

July 13 -  7am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jul 13, 2026 | 7:30 AM

Sinampahan na ng Office of the Ombudsman ng kasong Usurpation of Official Functions si ­dating Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, kaugnay ng P1.4 bilyong property acquisition ng ahensiya.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, natanggap nila noong Hulyo 7, 2026 ang resolusyon ng Ombudsman na may petsang Hunyo 19, 2026. Nakasaad dito na nilagdaan ni Ignacio ang contract to sell, deed of absolute sale, at addendum nito, at kalaunan ay ina­prubahan ang paglalabas ng pondo ng gobyerno nang walang awtoridad mula sa OWWA Board of Trustees.

Dagdag pa sa resolusyon, umakto si Ignacio na para bang may kapangyarihan mula sa Board kahit alam niyang wala, bagay na hindi simpleng “administrative non-compliance” kundi direktang bumubuo ng krimen ng Usurpation of Official Functions.

Natuklasan din ng Ombudsman na ang hindi pagkuha ng pag-apruba mula sa Board ay hindi lamang teknikal na pagkukulang, kundi isang pag-bypass sa institutional oversight at transparency na nakasaad sa OWWA Charter.

****

Hindi susuportahan ni Senator-Judge Panfilo “Ping” Lacson ang pagbubukas ng “green box” ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng tax records ni Vice President Sara Duterte kung walang nakasulat na awtorisasyon mula sa Pangulo, alinsunod sa batas.

Ayon kay Lacson, taliwas sa Sections 71 at 270 ng National Internal Revenue Code (NIRC) at sa jurisprudence ng Korte Suprema ang anumang hakbang na magbubukas ng rekord nang walang pahintulot ng Pangulo.

Dagdag pa niya, kahit ang Impeachment Court ay hindi maaaring lumabag sa batas. “Sa akin, malinaw ang aking position na without the written authority from the President, hindi dapat pabuksan. Di ako pro-defense dito. Basta sa akin ini-invoke ko dito ang batas,” diin ni Lacson.

Nakatakdang dinggin ngayong linggo ng Impeachment Court ang oral arguments kaugnay ng subpoena para sa mga rekord mula sa BIR, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at mga bangko.