Skip to content

July 13 - 6am NEWS

July 13 - 6am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jul 13, 2026 | 6:30 AM

Muling pinagtibay ng Pilipinas kasama ang 13 pang bansa ang 2016 Philippines-China South China Sea Arbitral Tribunal Award na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng naturang desisyon.

Sa magkasanib na pahayag ng Pilipinas, Australia, Canada, Estonia, Germany, Italy, Japan, Latvia, Lithuania, New Zealand, Romania, Slovenia, United Kingdom, at United States, binigyang-diin na ang mga sigalot sa dagat ay dapat maresolba sa mapayapang paraan at alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Tinukoy ng mga bansa ang arbitral award bilang isang “significant milestone” at “final, legally binding, and definitive” sa pagitan ng China at Pilipinas kaugnay ng maritime entitlements at claims na tinukoy ng tribunal.

Noong Hulyo 12, 2016, pinawalang-bisa ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea sa pamamagitan ng nine-dash line—na ngayo’y ten-dash line—at kinilala ang karapatan ng Pilipinas sa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) mula sa archipelagic baselines nito, alinsunod sa UNCLOS.

**

Tumaas ang tensyon sa lungsod ng San Pablo sa lalawigang ito sa mga tagasuporta ng magkatunggali sa pulitika matapos na kumalat ang balitang “preventive suspension” maging sa social media laban sa kanilang mayor.

Bunsod nito, hinimok ni San Pablo City Mayor Arcadio ‘Najie’ Gapangada Jr. ang kanyang mga constituents na huwag maniwala sa maling suspension order na kumakalat laban sa kanya.

Ang fake news ay kumalat nang ipahayag umano ng kanilang bise alkalde na si Justin Colago na may lumabas nang preventive suspension order mula sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Gapangada. Giit niya, ang dokumento ay maaaring peke at walang authenticity, na ang hakbang ay bahagi ng diversion tactic laban sa kanya.

Nanawagan din ang alkalde sa kanyang mga tagasuporta at mga taga-San Pablo na huminahon at huwag gumamit ng anumang kaharasan sa maling gawain upang makalikha ng kaguluhan at laging respetuhin ang umiiral na batas.

***