Skip to content

July 10 - 7 am NEWS

July 10 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 10, 2026 | 9:34 AM

May kontrata man o wala sa umano’y assassin, pasok pa rin sa high crimes, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust ang bantang kamatayan ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang binigyang-diin ni House prosecutor at San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, dahilan kung bakit sentro na ng paglilitis sa Senate Impeachment Court ang tinaguriang “assassination threat” ni VP Sara laban kay Pangulong Marcos, FL Liza at dating speaker Martin Romualdez.

Naglabas ng pahayag si Zamora bilang tugon sa sinabi ni Atty. Michael Wesley Poa, tagapagsalita ng defense team, na wala umanong napatunayang kontrata sa assassin. Pero giit ni Zamora, mismong si VP Sara ang nagsabi sa kanyang video clips na hindi siya nagbibiro sa pagkontrata ng assassin.

“Sa criminal case, kailangan mo ng elemento ng krimen. Pero dito, ang pinoprosecute natin ay impeachable offenses — betrayal of public trust, high crimes, at culpable violation of the Constitution. Doon nakapaloob ang grave threats na nasa Article IV,” paliwanag ni Zamora.

Samantala, binasura ni trial adviser at spokesman Robert Ace Barbers, dating kinatawan ng Surigao del Norte, ang argumento ng depensa hinggil sa kawalan ng kontrata.

“Wala pa akong nakitang kriminal na may kontrata. Kung assassin nga, hindi naman pipirma ‘yan. At kung may kontrata, ino-notaryo pa ba? Kapag hindi tumupad, ide-demanda mo ba ng breach of contract? Hindi, ‘di ba?” ani Barbers. Dagdag pa niya, walang kontrata na dapat tingnan dahil ilegal ang mismong gawain.

---

 Posibleng prine-pressure lamang umano si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan upang idawit si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa imbestigasyon ng Ombudsman kaugnay ng flood control scam.

Ito ang pahayag ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Leyte 1st District Rep. Romualdez, na iginiit na sa loob ng mahigit isang taon mula nang pumutok ang kontrobersya noong Hulyo 2025, wala ni minsang binanggit ni Bonoan ang pangalan ni Romualdez sa anomalya.

Sa isang radio interview, mariing sinabi ni Fajardo na walang ebidensya laban kay Romualdez at wala ring naiprisinta ang mga nag-aakusa.

“Wala po talagang ebidensya, kasi wala talagang kinalaman si dating Speaker dito sa flood control anomaly. Kung walang kaso sa korte, walang criminal cases, ibig sabihin bola lang po ‘yan,” giit ni Fajardo.

Dagdag pa niya, ang kakulangan ng ebidensya ay “sobrang lawak na mahirap punan ng kwento-kwento lang.”

Ayon pa kay Fajardo, ikinagulat nila ang ulat na pinaplano ng Ombudsman na gawing key witness si Bonoan laban kay Romualdez.

Si Bonoan, na mahigit 80-anyos, ay kasalukuyang nasa hospital arrest at posibleng ilipat sa regular na kulungan kapag medically cleared.