Skip to content

July 10 - 6 am NEWS

July 10 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jul 10, 2026 | 8:38 AM

Tatlo sa bawat 10 pampublikong paaralan sa bansa ang mayroong security guards.

Ito ang sinabi ni DepEd Undersecretary for Governance and Operations Malcolm Garma sa pagdinig nitong Huwebes, Hulyo 9 sa Senado tungkol sa panukalang School Safety Act.

“Meron po [security guards]. In terms of ratio, three out of 10 our schools have security guards – 31.7% or around 15,328 schools,” sabi ni Garma sa pagdinig ng Senate committee on basic education na pinamumunuan ni Sen. Bam Aquino.

Sabi ni Garma, ang pondo para sa security personnel ay kinukuha sa Maintenance and Other Operating Expenses ng DepEd gayundin mula sa local government units o kaya ay sa parent-teacher associations.

Sa Tacloban school shoo¬ting, sinabi ni Garma na dalawang security guards ang nagmamando sa gate ng mga paaralan noong nangyari ang insidente.

Samantala, sinabi rin ng DepEd na apat sa 10 paaralan lamang ang may CCTV cameras.

Sa naturang bilang, 80% (13,802) ang may CCTV camera na mas mababa sa 10, 14.2% ang may 11 hanggang 19 came¬ra at 6.4% naman ang may higit sa 20 camera. (Dindo Matining)

---

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkoles sa dating punong ministro ng United Kingdom na si Sir Tony Blair sa Malacañang.

“It was a pleasure to welcome former UK Prime Minister Sir Tony Blair to Malacañan today,” ani Marcos sa kanyang pinost sa Facebook.

Ayon sa Malacañang, kasama rin sa pulong ang mga kinatawan ng Tony Blair Institute for Global Change.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga paraan upang mapalago pa ang ekonomiya ng bansa, palakasin ang National Crisis Management Systems, at gamitin ang artificial intelligence upang gawing mas episyente ang mga sistema ng pamahalaan.

Binanggit din ni Marcos na si Blair, na isa sa pinakamatagal na nagsilbing prime minister ng Britain, ay patuloy na nakikibahagi sa mga usapin sa governance at public policy sa pamamagitan ng Tony Blair Institute for Global Change. (Prince Golez/Aileen Taliping)

---

Nagbabala ang consumer watchdog at think tank na Pinoy Aksyon na ang panukalang zero transfer fees ay pumapabor lamang sa malalaking financial institutions.

“Unfair at disadvantageous sa new players at taliwas ito sa financial inclusivity na isinusulong ng gobyerno,” ayon kay Bencyrus Ellorin, convenor ng transparency and consumer watchdog na Pinoy Aksyon.

“Obviously, papogi points. Apektado nito ang maliliit na players at papaburan ang mga bangko,” ayon sa Pinoy Aksyon.

Ipinaliwanag ng grupo na tila pinapatay ng mga bangko ang new players na nagpalawak ng access sa financial services para sa masang Pilipino.

“Ang mga online fund transfer platform ay mahalagang kasangkapan para sa financial inclusivity dahil madali itong gamitin at naaabot maging ng mga mamamayang limitado ang access sa pormal na sektor ng pagbabangko.

“Nauunawaan ng mga mamimili na ang mga platform na ito ay mga negosyo at hindi mga kawanggawa,” dagdag ng grupo.

Hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga bangko na magpatupad ng “makatwiran at makatarungang market-based pricing” para sa electronic fund transfers sa pamamagitan ng BSP Circular No. 1238 na nagkabisa noong Hulyo 4 ng taong kasalukuyan.

“Isulong natin ang makatwiran at makatarungang market-based pricing. Kung ang layunin ay makabuo lamang ng mga pahayag na maganda pakinggan ng publiko, dapat pag-isipang mabuti ng mga gumagawa ng desisyon sa pamahalaan ang panukalang ito,” paliwanag ng Pinoy Aksyon.

“Kung magiging opisyal na polisiya ang zero fees sa electronic fund transfers, ang magiging resulta ay kabaligtaran ng layunin nitong palawakin ang financial inclusivity.”

Ayon sa Pinoy Aksyon, ang makatwiran at makatarungang pagpepresyo ang tamang direksiyon. At kung nais pang higit na mapabuti ng pamahalaan ang sistema, dapat itong magpatupad ng mga patakarang magpapahusay sa karanasan ng mga mamimili sa pamamagitan ng pag-aalis ng labis na singil at pagpapabuti ng serbisyo ng mga bangko.

“Walang saysay na pumila sa bangko, kung minsan ay ilang oras pa, para lamang makapaglipat ng pera. Ang kaginhawaan, accessibility, at mas magandang kabuuang karanasan ng mga mamimili ang dahilan kung bakit mas pinipili nila ang mga electronic fund transfer platform,” giit ng grupo.