Skip to content

January 9 - 7 am NEWS

January 9 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 09, 2026 | 8:49 AM

Umabot sa 15.6 milyon na mga dayuhan ang bumisita sa bansa noong nakaraang taon.

Ayon sa Bureau of Immigration , na kasama na sa bilang ang mga galing sa ibang bansa at foreign nationals.

Ang nasabing bilang ay anim na porsyentong mas mataas kumpara noong 2024 na mayroong mahigit 14.7 milyon.

Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, na karamihan sa mga dayuhan na bumisita sa bansa galing sa South Korea, na sinundan ng US, Japan , China at Australia.

----

Nanatili parin sa target range ng gobyerno ang nararanasang unemployment rate ng bansa sa kabila ng pagtaas nito noong nakaraang taon, hudyat ng patuloy na pagbangon ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2025, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumuti ang employment conditions sa month-on-month basis habang pinalawak ng mga negosyo ang kanilang operasyon upang tugunan ang year-end demand.

Dagdag pa niya, unti-unti rin daw nakabawi ang service at trade sector mula sa antala dulot ng mga nagdaang natural na kalamidad.

Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabing ang manufacturing sector ay nakapagtala ng isa sa pinakamalalaking year-on-year job losses noong Nobyembre 2025, kung saan humigit-kumulang 150,000 trabaho ang nawala.


Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na may mga palatandaan ng pagbuti sa kalidad ng trabaho, dahil ang paglago ng employment ay pangunahing nakikita sa mga skilled at semi-skilled occupations. Bumaba rin umano ang underemployment, na iniuugnay niya sa mga programang nakatuon sa skills upgrading, youth employment, at enterprise support.


---------

Plano ng Department of Agriculture na ilunsad makabuluhang hakbang tungo sa mas mataas na antas ng transparency at accountability sa pamamagitan ng paglulunsad ng Transparency Portal na tatawaging FMR Watch.

Ayon sa DA, ang FMR Watch ay isang platform na magsisilbing sentrong impormasyon para sa lahat ng Farm-to-Market Road (FMR) projects na isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bilang paghahanda sa pormal na paglulunsad, ipinasilip na ng DA-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ang beta version ng FMR Watch sa mga stakeholders at sa publiko.

Layunin ng hakbang na ito na makakuha ng feedback at masiguro ang kahandaan ng portal bago ito ganap na gamitin.
Sa pamamagitan ng FMR Watch, magiging madali para sa publiko na makita at masuri ang mahahalagang detalye ng bawat FMR project.


Kabilang sa mga detalyeng ito ang eksaktong lokasyon ng proyekto, pangalan ng kontratistang responsable sa paggawa, kabuuang halaga ng proyekto, petsa kung kailan ito sinimulan, at ang kasalukuyang accomplishment rate.

Bukod pa rito, magkakaroon din ng QR code ang bawat proyekto na magbibigay-daan sa mga interesado na direktang ma-access ang kumpletong project profile at ang mga dokumento na may kaugnayan sa bidding process.

Target rin ng ahensya na tutukan ng DA ang higit sa 1,000 pending FMR projects na nagsimula pa noong 2021 at inaasahang matatapos sa 2025.