Skip to content

January 9 - 6 am NEWS

January 9 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 09, 2026 | 7:59 AM

Nahaharap sa reklamong graft sina Bureau of Customs chief Ariel Nepomuceno at Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban at iba pang opisyal ng dalawang ahensiya.

Ito ay kasunod ng inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman ng grupo ng mga magsasaka may kinalaman sa 60-day suspension ng importasyon ng regular milled at well-milled rice.

Base sa reklamong nilagdaan nina Federation of Free Farmers (FFF) National Manager Raul Montemayor at MAGSASAKA Chairperson Argel Joseph Cabatbat, nilabag umano ng nasabing mga opisyal ang probisyon sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, nakagawa ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service against the respondents.

Ayon sa reklamo, pinayagan pa ring makapasok sa bansa ang rice shipments na nasa mahigit 340,000 tonelada kahit na umiiral ang 60-day suspension, kung saan 90 porsyento sa mga ito ay regular at well-milled rice grades na saklaw ng ban. Naging daan aniya dito ang inisyung BPI Memorandum at clearance of shipments ng BOC.


Kaugnay nito, hiniling ng complainants ang agarang pagiisyu ng preventive suspension order laban sa mga public officer respondent para mapigilang magamit nag kanilang posisyon para maimpluwesiyahan ang imbestigasyon o ma-tamper ang mga record.

---

 Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga hindi nakakabayad ng kontribusyon.

Sa isang video message ng Pangulo, sinabi nito na batid niya na ang tatlong porsiyento na ibinabayad sa PhilHealth kada buwan ay nararamdaman din ng mga Filipino.

“Sa aming patuloy na tumulong sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa tinatawag nating healthcare eh inutusan ko po ang PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer, mga self-employed na ating mga kababayan na hindi nabayarang kontribusyon sa PhilHealth,” pahayag ng Pangulo.

Ngayong 2026 aniya ay gagawin itong one-time waiver para sa interest ngayong taon bagamat gagawin na rin ito kada taon.

Sa kautusan ng Pangulo, ang mga employer ay bibigyan ng isang taon para mabayaran na lahat ng missed contributions mula 2013 hanggang 2024.

Base sa pagtaya ni Marcos, ang hakbang ay makakatulong sa may 300,000 benepisyaro.

Hinihikayat din ng Presidente ang mga employer na i-update na ang lahat ng impormasyon at magparehistro o irehistro ang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan o YAKAP program.

----

Kinontra ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang alegasyon ni Senadora Imee Marcos na “moro-moro” lang ang isina¬gawang imbestigasyon ng Senado sa flood control scandal.

Base sa naunang pahayag ni Sen. Marcos, nawalan na umano siya ng tiwala sa Senate Blue Ribbon simula nang pamunuan ito ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson mula sa dating chairman na si Senador Rodante Marcoleta.

Ayon pa kay Marcos, pinagtatakpan umano ng komite si dating Speaker Martin Romualdez, bagkus ay pinag-initan ang ilang senador sa flood control scam.

“Imposible, walang nagbabawal ng kahit ano sa kahit sino. Baka magalit si Sen. Lacson sa bintang na iyan. Imbento,” diin ni Sotto.

Tumanggi naman si Lacson na patulan ang mga walang basehan na paratang umano ni Sen. Marcos.

“Out of respect for all the senators of the 20th Congress and the hardworkin¬g staff of the Blue Ribbon Committee, I choose not to dignify Sen Marcos’ unfair, untruthful and baseless accusations,” diin ni Lacson.

Maging si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, kinuwestiyon kung saan napulot ni Sen. Marcos ang impormasyon na kakasuhan na sa Enero 15 sina Senador Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

“Buti siya alam niya, ako ‘di ko alam,” ani Remulla.