Nanatili parin sa target range ng gobyerno ang nararanasang unemployment rate ng bansa sa kabila ng pagtaas nito noong nakaraang taon, hudyat ng patuloy na pagbangon ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2025, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na bumuti ang employment conditions sa month-on-month basis habang pinalawak ng mga negosyo ang kanilang operasyon upang tugunan ang year-end demand.
Dagdag pa niya, unti-unti rin daw nakabawi ang service at trade sector mula sa antala dulot ng mga nagdaang natural na kalamidad.
Ang pahayag ng opisyal ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabing ang manufacturing sector ay nakapagtala ng isa sa pinakamalalaking year-on-year job losses noong Nobyembre 2025, kung saan humigit-kumulang 150,000 trabaho ang nawala.
Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na may mga palatandaan ng pagbuti sa kalidad ng trabaho, dahil ang paglago ng employment ay pangunahing nakikita sa mga skilled at semi-skilled occupations. Bumaba rin umano ang underemployment, na iniuugnay niya sa mga programang nakatuon sa skills upgrading, youth employment, at enterprise support.
----
Nakatakdang bumiyahe si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Abu Dhabi sa susunod na linggo para sa isang working visit simula sa Enero 12.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, layon ng working visit ng Pangulo na dumalo sa Sustainability Week kung saan tatalakayin ng mga delegado ang mga hakbang upang isulong ang global sustainability lalo na sa isyu ng enerhiya, tubig, usapin pinansiyal, pagkain at kalikasan.
Ang biyahe aniya ng Pangulo ay batay sa imbitas¬yon ni Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan ng United Arab Emirates at makakasama nito ang mga lider ng iba’t ibang bansa.
Kasama sa schedule ng Pangulo ang pagdalo sa lagdaan ng dalawang mahalagang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates – ang comprehensive partnership agreement o CEPA at Memorandum of Understanding on Defense Coope¬ration.
Ang CEPA ang kauna-unahang free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa mula sa Gitnang Silangan na naglalayong palawakin ang market acces¬s ng Pilipinas. (Aileen Taliping)
---
Posibleng masampahan ng panibagong impeachment si Vice President Sara Duterte sa susunod na buwan ng Pebrero.
Ito ang sinabi ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon kahit hindi pa nareresolba ng Supreme Court (SC) ang apela ng Kamara laban sa desisyong ideklarang unconstitutional ang impeachment na inihain noong 2025.
Sa naunang desisyon ng SC noong Hulyo 2025, lumabag umano sa 1 year bar rule ang impeachment case kay VP Sara at maging ang karapatan niya sa due process.
Kabilang sa reklamo laban sa Bise Presidente ay ang tangka umanong assassination laban kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez; malversation o hindi wastong paggasta ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds; bribery at korapsyon sa DepEd noong ito pa ang kalihim; unexplained wealth na nakasaad sa Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) kung saan ang kanyang yaman ay tumaas ng apat na beses mula 2007 hanggang 2017; pagkakasangkot sa Extrajudicial Killings (EJKs) sa Davao City; destabilisasyon at iba pa.
Binigyang-diin pa ni Ridon na may sapat na ebidensya para umusad umano ang panibagong impeachment laban kay VP Sara.
Nabatid na magtatapos ang 1 year bar rule sa Pebrero 6, 2026.