Humarap sa pagdinig ng Sandiganbayan 6th Division ang siyam na akusado sa maanomalyang flood control project sa Occidental Mindoro.
Ito ay para sa kanilang petisyon na makapaglagak ng piyansa sa kasong malversation of public funds through falsification of public documents, na nag-ugat sa umano’y maanomalyang P289-milyong dike project sa naturang lalawigan.
Kung babalikan ay pawang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–MIMAROPA ang unang batch ng mga naaresto at sumuko na kinabibilangan nina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Ruben Santos, Dominic Serrano, Juliet Calvo, Dennis Abagon, Montrexis Tamayo, Lerma Cayco, at Felisardo Sevare Casuno.
Ang ilan sa kanilang kapwa-akusado tulad ni Zaldy Co, ay nananatiling at-large.
***
Maaaring huminto ang patuloy na pagbaba ng Philippine peso at kumilos malapit sa ‘narrow range’ nito matapos bumaba sa bagong record na pinakamababang halaga.
Ayon kay Rosemarie Edillon, Undersecretary ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), inaasahan nila ang “some sideways movement” ng Philippine peso ngayong taon.
Sa madaling sabi, maaaring tumaas at bumaba ang piso, ngunit hindi tuloy-tuloy ang pagbaba o magkakaroon ng matinding rebound.
Aniya, malaki ang magiging epekto ng kalakaran sa Estados Unidos sa direksyon ng piso.
Ayon pa kay Edillon, nagdadalawang-isip pa rin ang merkado kung paano i-interpret ang mga kamakailang galaw ng US.
“Everybody’s still weighing in, is this a good or a bad thing,” paliwanag niya.
Nabatid na nagtapos ang piso sa pinakamababang halaga na P59.355 kontra dolyar noong Miyerkules.
Para sa mga susunod na araw, inaasahan ni Edillon na ang ilan sa mga investor ay maghihintay bago gumawa ng aksyon.
“Others will still adopt a wait and see attitude,” ani Edillon.
----
Umabot na kahapon sa 822 pamilya o 3,125 katao ang inilikas mula sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Mt. Mayon sa Albay.
Sa tala ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office sa pangunguna ni Roderick Mendosa, may pinakamaraming nailikas sa Tabaco City na nasa 1,399 indibidwal; sunod ang bayan ng Malilipot - 1,193; Camalig - 439; at Ligao City - 94.
Inaasahang madaragdagan pa ang bilang dahil wala pang datos ang bayan ng Guinobatan at Sto.Domingo habang patuloy pa ang ginagawang paglilikas sa iba’t ibang lugar.
Pabor naman si Office of Civil Defense Assistant Secretary Raffy Alejandro na pansamantalang putulan ng mga amenities gaya ng kuryente ang mga bahay na nasa loob ng 6-km radius permanent danger zone upang wala munang babalik na residente.
Pinawi rin nito ang pangamba na baka maubos ang resources ng mga lokal na pamahalaan kung tumagal ng mga buwan ang pag-aalboroto ng bulkan.
Sinabi nito na kasisimula palang ng taon kaya may bago pang budget upang suportahan ang pangangailangan ng mga evacuees at ang buong operasyon.
January 8 - 6 am NEWS
Jan 08, 2026 | 7:56 AM