Dininig nitong Lunes, Enero 5, ng Regional Trial Court (RTC) ng Lapu-Lapu City ang mosyon na ibasura ang warrants of arrest na inihain laban sa contractor na si Sarah Discaya ukol sa P96.5-million “ghost” flood control project sa Davao Occidental.
Hiniling ni Atty. Michael David na ibasura ang warrant of arrest laban sa kanyang kliyente na unang naaresto at nakulong noong nakaraang buwan kaugnay ng umano’y hindi umiiral na flood control project sa lalawigan.
Naghain din ng mosyon ang mga legal counsel ni DPWH District Engineer Rodrigo Larete at walong iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao Region upang ibasura ang information at warrants of arrest laban sa kanilang mga kliyente.
Katwiran ng mga abogado na walang hurisdiksiyon ang RTC Branch 27 ng Lapu-Lapu City upang dinggin ang kaso dahil ang mga akusado ay hindi high-ranking officials, at may salary grade lamang na mas mababa sa 27. Ang pinakamataas na opisyal na sinampahan ng kaso ay si Larete, na may salary grade na 25.
Sinabi rin ni Atty. Joseph Randi Torregosa, abogado ni Larete, na dahil umano’y naganap ang krimen sa Davao Occidental na nararapat lamang na doon din dinggin ang kaso.
Matatandaang inilipat ng RTC Branch 20 ng Malita, Davao Occidental ang venue ng kaso sa Lapu-Lapu City batay sa Supreme Court guideline na inilabas noong Nobyembre. Gayunman, iginiit ni Torregosa na hindi umano pormal na naabisuhan ang kanyang kliyente ukol sa desisyong ito.
Kaugnay nito, naghain din ng mosyon si Ombudsman Mindanao prosecutor Atty. Marie Josephine De Vera upang ibalik ang venue ng pagdinig sa RTC Branch 20 ng Malita, Davao Occidental.
Inaasahang maglalabas ng resolusyon ang RTC Lapu-Lapu City hinggil sa mga mosyon bago ang Enero 13, 2026, ang itinakdang petsa ng arraignment ng lahat ng akusado sa nasabing ghost flood control project case.
----
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Act (GAA) nitong Lunes, January 5, kasunod ng pinakamalaking corruption scandal na hinarap ng kanyang administrasyon.
Sa budget signing sa Malacañang, kinilala ni Marcos ang sistemikong korapsyon na nabunyag sa mga anomalya sa infrastructure projects ng gobyerno. Ayon sa pangulo, malinaw na hindi na puwedeng ipagpaliban ang reporma sa pamahalaan.
Binibigyang-prayoridad ng 2026 budget ang edukasyon, na may P1.34 trilyon na pondo, at kalusugan, na may P448.125 bilyon, kabilang ang suporta sa universal healthcare. Mayroon ding P129 bilyon para sa PhilHealth, kasama ang P60 bilyong excess funds na ibinalik alinsunod sa utos ng Korte Suprema. — Base sa ulat ni Jean Mangaluz
----
Inanunsiyo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes na si MMDA General Mana¬ger Nicolas Torre III na ang bagong tagapagsa¬lita ng ahensiya.
Sa Pulong Balitaan nitong Lunes, Enero 5, sinabi ni Artes na si Torre na ang sasagot ng mga tanong para sa ahensiya.
Inihayag din ni Artes ang gampanin ni Torre kung saan 80-70 percent ng operational matter¬s ng ahensiya ay ipinagkatiwala sa bagong gene¬ral manager.
Bagama’t nangangapa pa, tiniyak ni Torre na malugod niyang tutugunan ang tungkulin at sinabing tututukan ang traffic management sa Metro Manila.
Una nang nag-ins¬peksiyon si Torre sa EDSA rehabilitation projec¬t noong Linggo.
Sa ngayon, nagha¬handa naman ang bagong tagapagsali¬ta para sa papalapit na Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno. (Isaia¬h Mirafuentes)