Skip to content

January 5 - 7 am NEWS

January 5 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Jan 05, 2026 | 8:49 AM

Nilinaw ni US Secretary of State Marco Rubio na hindi nakikipag-giyera ang Amerika sa Venezuela.

Ito ay sa kabila ng large-scale strike na inilunsad ng US sa kabisera ng Venezuela na Caracas noong Sabado, Enero 3 na nagresulta sa pagkakaaresto nina Venezuelan President Nicolas Maduro at First Lady Cilia Flores.

Napaulat din na kumitil ang mga serye ng pagpapasabog ng Amerika sa kabisera ng 40 katao, kabilang ang mga sibilyan at mga miyembro ng armed forces ng Venezuela, base sa isang hindi pinangalanang senior Venezuelan official.

Noong Sabado rin, kinumpirma ni Venezuelan interim leader Delcy Rodriguez na kabilang sa mga napatay sa strike ng US ang mga sibilyan at military personnel bagamat walang ibinigay ang opisyal na eksaktong bilang.


Subalit sa panig ng US, iginiit ni Rubio na hindi giyera ang paglulunsad ng US ng strike sa Venezuela. Paliwanag pa niya na nasa giyera ang US laban sa drug trafficking organizations subalit hindi laban sa Venezuela.

Sinabi din ni Rubio na walang nakadeploy na US forces sa ground ng Venezuela.

Ikinatwiran din ni Rubio na premature o maaga pa sa ngayon ang pagdaraos ng halalan sa Venezuela.

Nang matanong din si Rubio kung bakit hindi muna hiningi ang awtorisasyon ng US Congress bago isagawa ang operasyon ng Amerika sa Venezuela, tugon niya na hindi ito kailangan dahil hindi naman ito isang “invasion.”

Hindi rin aniya maaaring ipaalam sa Kongreso ang ganitong operasyon dahil ito ay maaaring ma-leak o kumalat.

Inilarawan din ni Rubio ang operasyon bilang isang law enforcement operation at sinabing naaresto si Maduro sa ground ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI).

----

Nagpakawala ang North Korea ng ilang ballistic missiles mula sa Pyongyang patungo sa silangang bahagi ng kanilang karagatan bandang ala 7:50 ng umaga ngayong Linggo, December 4 ayon sa militar ng South Korea. 

Ito ang pinakabagong naitalang pagpapakawala ng ballistic missiles ng North Korea makalipas ang dalawang buwan, kasabay ito ng nalalapit na pag bisita ni South Korean President Lee Jae-Myung sa China kung saan mapapagusapan umano ang posibling kapayapaan sa Korean peninsula. 

Ayon kay Wi Sung-lac, security adviser ni Lee, umaasa ang South Korea na malaki ang magiging papel ng China sa pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng South at North Korea. Aniya, ang pakay umano ni Lee ay hikayatin ang China na pangunahan ang posibling peace talk ng South at North Korea. 

Samantala, matatandaan na huling nagpakawala ng ballistic missile ang North Korea noong Nobyembre ng nakaraang taon. Kasabay ng ipinagutos ni North Korean leader Kim Jong Un na doblehin ang produksyon ng kanilang mga kagamitang pandigma.