Skip to content

January 5 - 6 am NEWS

January 5 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Jan 05, 2026 | 6:30 AM

Nagpaalala ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa publiko na huwag magbahagi o makisangkot sa mga online content na nanghihikayat ng rebelyon at armadong pakikibaka, dahil ito ay may katumbas na parusa sa ilalim ng batas.

Ayon sa AFP, ang pag-udyok sa armadong aksyon ay sumisira sa kapayapaan at naglalagay sa panganib sa mga komunidad.

Sinabi rin ng militar na ang mga post na nagtataguyod ng karahasan o nananawagan ng pagpapabagsak ng pamahalaan ay haharap sa angkop na aksyon, katuwang ang mga law enforcement agencies.

***

Naghain si Senator Erwin Tulfo ng panukalang batas na naglalayong ibaba ang value-added tax o VAT mula 12% tungo sa 10% bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa. 

Sa inihaing Senate Bill No. 1552 o ang panukalang “VAT Reduction Act of 2025”, Iginiit ni Tulfo na ang pagbaba ng VAT ay direktang makakatulong sa pagpapagaan sa pasanin ng mga Pilipino sa mahal ng bilihin, pati na rin sa pagpapalakas ng kanilang kakayahang bumili. 

Ang mas mababang VAT ay maaring maghikayat  ng mas mataas na paggastos ng mga konsyumer, na posibleng magbunsod ng paglago ng ekonomiya. Sa ganitong paraan maaring umanong mabawi ng  pamahalaan ang posibleng kakulangan sa kita habang lumalawak ang aktibidad pang-ekonomiya.