Tinanggal bilang mga miyembro ng Senate Committee on Ethics and Privileges sina Sens. Joel Villanueva at Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa sesyon noong Martes, isinulong ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang paghalal kina Sens. Imee Marcos at Rodante Marcoleta bilang kapalit nina Villanueva at Dela Rosa.
Nilinaw naman ni Zubiri na bagaman at papalitan sina Villanueva at Dela Rosa ay wala silang kinakaharap na reklamo sa Ethics Committee.
Binawi ni Zubiri ang unang pahayag na may “conflict of interest” kaya pinalitan ang dalawang senador.
Sinabi kahapon ni Sen. JV Ejercito na desisyon ng minorya na palitan si Villanueva.
“Ano yan decision ng minority yan. We do not know the reason. It was their decision na sila yung nag-submit sa rules that they will change,” ani Ejercito.
Matatandaan na Nobyembre 2025 ay hindi na sumipot si Dela Rosa sa Senado matapos mapaulat na mayroon nang inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Inaasahan din na sasampahan si Dela Rosa ng reklamo sa Ethics Committee dahil sa hindi pagpasok sa Senado.
---
May bitbit umano si dating Ako Bicol Rep. Rizaldy Co ng $100 milyon o P5.85 bilyon na cryptocurrency sa ibang bansa nang tumakas mula sa Pilipinas.
Ito, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla ang posibleng ginagamit ni Co sa pagtatago nito sa ibang bansa dahil naka-freeze na ang mga credit card ng dating mambabatas.
“Ang alam namin, mga 100 million dollars ang dinala niya abroad via crypto, ‘yun ‘yung ginagamit niya. Kriminal talaga. Marunong talaga sa krimen. Pati escape route ng pera, escape route ng bahay niya kung saan siya titira, alam niya, escape route kung paano siya iikot, alam niya rin… more than a congressman, more than a businessman, he’s a criminal,” sabi ni Remulla.
Ayon kay Remulla, planong makipag-ugnayan ang pamahalaan sa Sweden na sinasabing gumagamit ito ng foreign passport sa mga biyahe sa Europe.
Napaulat na si Co ay humarap sa isang notaryo sa Stockholm, Sweden noong Enero 15 matapos maghain ng petition for certiorari sa Korte Suprema laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa petisyon ni Co, hiniling nito sa Korte na mag-isyu ng Temporary Restraining Order (TRO) and/or Writ of Preliminary Injunction laban sa resolusyong inilabas ni Remulla na nagrerekomenda ng pagsasampa ng kaso kaugnay sa maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro.
Una nang napabalitang si Co ay nagtatago sa Portugal makaraang makakuha ng golden visa doon dahil sa malaking negosyo na nailagak sa bansa.
-----
Mariing tinutulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panawagan na ideklarang persona non grata ang ilang opisyal ng Chinese Embassy sa bansa.
Sinabi ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kasunod ng umiinit na “word war” sa pagitan ng ilang Chinese diplomat at mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas.
“No ang sagot ng Pangulo,” sabi ni Castro nang tanungin kung sang-ayon si Pangulong Marcos sa panukalang ideklarang persona non grata ang mga naturang opisyal ng China.
Matatandaang pinag-aaralan ngayon ng Senado kung maaari bang ideklarang persona non grata, o ipagbawal nang tumapak sa Pilipinas, ang ilang opisyal ng Chinese Embassy matapos batikusin at kuwestiyunin ang mga opisyal ng Pilipinas na hayagang nagtatanggol sa posisyon ng bansa sa West Philippine Sea.