Kinumpirma ng militar ng Estados Unidos ang pagdating ng USS Abraham Lincoln carrier strike group sa Middle East, na nagpalakas sa presensiya ng militar ng Amerika sa gitna ng umiinit na tensyon doon sa Iran.
Ayon sa US Central Command, layon ng deployment na panatilihin ang seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
Sinabi ni U.S. President Donald Trump na bukas pa rin ang US para makipag-negosasyon sa Iran sa kabila ng pagdeploy ng malaking ”armada” o tumutukoy sa malaking pangkat ng mga barkong pandigma malapit sa Iran.
Nagbabala naman ang Iran laban sa anumang panghihimasok na gagawan ng Amerika na kanila itong tutugunan, at iginiit na hindi maaapektuhan ng presensiya ng US warship ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang bansa.
----
Nag-iwan na ng lampas tatlumpung kataong nasawi sa gitna ng nararanasang monster winter storm sa Estados Unidos.
Nasa mahigit 15 storm at cold-related deaths ay naiulat sa ilang estado kabilang sa Texas, Louisiana, Tennessee, Pennsylvania at South Carolina.
Ang ilan sa mga pagkamatay ay iniuugnay sa hypothermia o pagbaba ng temperatura ng katawan, habang ang iba naman ay nasawi habang tinatanggal ang mga niyebe. Ang ibang pagkamatay ay kasalukuyang iniimbestigahan.
Habang mahigit 200 milyong residente ang nasa ilalim ng severe cold alerts bunsod ng napakalamig na temperatura na magtatagal pa ng ilang araw.
Nagdulot din ng mga pinsala sa ilang kabahayan ang winter storm, kung saan nagresulta ito ng malawakang pagkawala ng kuryente ng mahigit 200,000 katao sa southern US, partikular na sa Texas, Louisiana, Mississippi at Tennessee.
Ayon sa National Weather Service, nakapagtala ang ilang estado ng mahigit 20 pulgadang nyebe nitong weekend.
Ibinabala naman ang panibagong ‘significant winter storm” na maaaring tumama sa eastern US sa weekend.
----
Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na itataas niya ang taripa sa mga produkto mula South Korea, kabilang ang sasakyan, lumber at maski ang pharmaceutical products, dahil umano ito sa kabiguang ipatupad ng bansa ang naunang kasunduang ”trade pack” sa Estados Unidos.
Ayon kay Trump, tataas mula sa 15% papuntang 25% ang taripa na kanyang ipapataw sa Seoul dahil daw ‘yan sa hindi pa na ipinapatupad na trade agreement na napagkasunduan ng Amerika at South Korea kamakailan.
Sinabi naman ng presidential office ng South Korea na hindi sila naabisuhan nang maaga ukol sa plano ng Estados Unidos at iginiit na mananatili silang kalmado habang ipinangako ang kanilang commitment sa kasunduan sa Amerika.
Napagalaman na tinatayang 27% ng kabuuang export ng South Korea sa Estados Unidos ay mula sa automotive industry, habang halos kalahati ng car exports ng bansa ay daretso sa US market.
Kung ibabalik sa mas mataas na antas ang taripa sa South Korea, maaaring bumaba ang exports ng produkto ng Seoul kumpara sa Japan at European Union, na kapwa may umiiral na kasunduan na 15% na taripa sa kanilang exports sa Estados Unidos.
Sa kabila ng mga pahayag ni Trump, wala pa ring inilalabas na pormal na abiso ang administrasyon ng US upang opisyal na ipatupad ang naturang pagbabago sa taripa.
Nabatid na ang banta laban sa South Korea ang pinakahuli sa sunod-sunod na babala ni Trump laban sa mga pangunahing trading partners ng Amerika sa mga nakalipas na araw.