Inaprubahan ng House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill No. 4699 na nag-aatas sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magpatupad ng technical-vocational training at livelihood programs para sa mga rehabilitated drug dependents.
Layunin ng panukala na bigyan ang mga benepisyaryo ng sapat at empleyableng kasanayan upang makahanap ng trabaho o makapagsimula ng sariling kabuhayan.
Inaatasan din nito ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magbigay ng insentibo sa mga kumpanyang tatanggap ng mga kalahok sa programa.
Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education Chairman, Rep. Jude Acidre, mahalaga ang rehabilitasyon ay may kasunod na konkretong oportunidad sa kabuhayan upang maging ganap ang pagbabalik ng mga indibidwal sa lipunan.
---
Binigyang diin ng Bureau of Immigration na hindi na pahihintutulutan muling makabalik ng bansa ang naaresto’t ipina-deport na Russian vlogger.
Ayon kay Immigration Comm. Joel Anthony Viado, permanente nang ‘ban’ si Vitaly Zdorovetskiy na makapasok ng Pilipinas alinsunod na rin sa batas.
Habang pagtitiyak naman ng kawanihan na kanilang hindi isinasantabi ang mga pahayag ni Vitaly ukol sa kanyang pananatili sa loob ng detention facility.
Sisilipin aniya nila ang alegasyon at rebelasyon ng Russian vlogger nagkaroon ito ng access sa smartphone pati umano’y korapsyon sa piitan.
Giit ni Immigration Comm. Viado na ang anumang alegasyon at kapalpakan sa pagpapanatili ng seguridad sa kanilang warden facility ay seryosong paiimbestigahan.
Alinsunod rito’y ibinahagi niyang nakumpiska ng mga operatiba ng kawanihan ang ilang kontrabando, hindi otorisadong pera, mobile phones, electronic devices sigarilyo at iba pa sa kanilang kulungan sa Taguig at Muntinlupa City.
---
Pormal na ring naihain sa Kamara ang ikalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes.
Ito’y matapos tanggapin na ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil ang ikalawang reklamo na inihain ng opposition groups at inindorso ng Makabayan bloc.
Sa reklamo, inakusahan ng grupo si Pangulong Marcos ng ‘betrayal of public trust’ matapos ang umano’y pagsisingit ng pondo sa mga proyekto ng DPWH na kung hindi substandard ang mga materyales ay ghost projects.