Siniguro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kahandaan nitong tumugon sa posibleng lalo pang paglala ng sitwasyon ng bulkang Mayon.
Ito ay kasunod ng pagtaas ng alerto sa naturang bulkan dahil sa muling pagtaas ng mga aktibidad nito.
Ayon sa PCG, inihanda na ng Coast Guard District Bicol (CGDBCL) ang mga Disaster Response Group (DRG) Team nito, na maaaring umalalay sa anumang operasyon, tulad ng paglikas.
Ang mobilisasyon sa DRG, ayon sa coast guard, ay isang maagap na hakbang upang matiyak ang kahandaan at agarang pagtugon sakaling magkaroon ng posibleng pag-aalburoto ng bulkan na maaaring makaapekto sa mga baybayin at karatig na komunidad sa sa Bicol Region.
Isinailalim na rin sa heightened alert ang DRG Team upang magsagawa ng search and rescue operations, humanitarian assistance, evacuation efforts, at maritime safety operations kung kinakailangan.
Kasabay nito ay naka-standby ang lahat ng assets ng naturang coast guard district para sa deployment anumang oras.
Pinapayuhan din ng Coast Guard District Bicol ang publiko, partikular ang mga residenteng malapit sa Bulkang Mayon, na mahigpit na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad at iwasan ang pagpasok sa mga ipinagbabawal o mapanganib na lugar.
----
Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 235 firework-related injuries (FWRI) sa bansa, matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ng mga taong nasugatan dahil sa paputok ay mula Disyembre 21, 2025 hanggang 4:00AM ng Enero 1, 2026.
Ito ay 42% na mas mababa kumpara sa 403 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.
Nabatid na 62 sa mga naturang kaso ay naitala nitong bisperas ng Bagong Taon lamang.
Nasa 161 sa mga biktima ay nagkakaedad ng 19-taong gulang pababa.
Sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na maaaring madagdagan pa ang naturang bilang, sa pagpasok ng pinal na ulat sa tally ng FWRIs, sa unang linggo ng taon.
“Even as we see today a lower than last year count for fireworks related injuries, the DOH anticipates that late reports will come in from today Jan 1 all the way to Jan 5. We hope the lower count will stay,” ani Domingo.
Hinikayat din ni Domingo ang publiko na sakaling may mabiktima ng paputok sa kanilang pamilya ay kaagad na isugod sa pinakamalapit na pagamutan upang malunasan.
“Symptoms do not appear until around 8 days, some up to 21 days later, and they can be deadly. Vaccination against tetanus is available at hospitals,” dagdag pa niya.
Ang datos ay nakalap ng DOH mula sa binabantayang 62 sentinel hospitals ng ahensiya.
----
Pumalo na sa 1,113 ang naitalang bilang ng mga nasangkot sa mga aksidente sa kalsada sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan pinakamarami ang mga rider.
Naitala ang nasabing bilang sa huling datos ng Department of Health (DOH) mula December 21, 2025 hanggang alas-singko ng umaga nitong January 2, 2025 kung saan 68 ang bagong kaso.
Mula naman ang nasabing datos sa 10 sentinel hospitals na binabantayan ng DOH kung saan tumaas ng 82% ang mga kaso kumpara sa parehong panahon noong 2024.
Sa nasabing bilang, 965 ang hindi gumagamit ng safety accessories gaya ng helmet at seatbelt, 787 motorcycle road crash at 135 dahil nagmamaneho habang nasa impluwensya ng alak.
Nasa 71 porsiyento naman sa naitalang mga kaso ng road crash injuries ng DOH ay sangkot ang mga nagmomotorsiklo.
Lima ang nasawi sakay ng motorsiklo habang dalawa ang pedestrian.
Kaugnay nito, muling paalala ng DOH na ugaliing magsuot ng helmet na aprubado ng Department of Trade and Industry para sa mga nagmomotorsiklo at seatbelt sa mga nagmamaneho at pasahero ng sasakyan.
Dagdag pa ng DOH, huwag magmaneho kapag pagod o lasing upang maiwasan ang road crash at sundin ang itinakdang speed limit at mga road sign para maging ligtas at maayos ang biyahe. (Ryan Reloban)