Magsasagawa ang pamunuan ng Quiapo Church ng blessing sa mga replika ng Itim na Nazareno bukas, Enero-3.
Nakatakda itong magsimula, ganap na ala-1 ng hapon.
Magkakaroon ng dalawang lugar kung saan ilalagay ang mga replica: una ay sa kahabaan ng Carlos Palangca Street na magmumula sa Barbosa Street, patungong Villalobos Street,papasok Plaza Miranda, at palabas sa Quezon Boulevard.
Pangalawa ay mula sa Carlos Palangca Street na sakop ng Barangay 306, patungong Estero Cegado, Villalobos, Plaza Miranda, at tuluyan ding lalabas sa Quezon Boulevard.
Kasabay nito ay mahigpit ding ipatutupad ang ‘zero-vendor’ policy sa bahagi ng mga kalsada kung saan isasagawa ang blessing, pangunahin na sa Villalobos Street at Estero Cegado sa Barangay 306.
Layunin nitong masiguro ang maayos at walang-balakid na prosisyun
Bago nito ay nagsagawa na ng clearing operations ang Church authorities at ang lokal na pamahalaan kung saan tinanggal ang ilang mga bagay na posibleng makasagabal sa pag-usad ng prusisyon.
----
Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 2 status ang Bulkang Mayon sa Bicol.
Ito, ayon sa Phivolcs ay dahil sa pagtaas ng aktibidad ng naturang bulkan na maaaring maging daan nang mapanganib na magmatic eruption.
Alas-6 ng umaga kahapon, nagtala ang Mayon ng 47 beses na pagtilapon ng bato nitong December 31, 2025, ang pinaka mataas na insidente na nakita sa isang araw sa nagdaang mga taon.
Sa nakalipas na dalawang buwan nitong 2025, ang bulkan ay may kabuuang 599 rockfall events o average na 10 beses na pagtilapon ng bato sa kada araw.
Nitong huling linggo ng Disyembre, ang average rockfall events ng bulkan ay tumaas sa 21 events kada araw.
“Increased rockfall at Mayon has been a precursory sign of magmatic dome growth within the upper edifice preceding an eruption, similar to conditions before the 2023 eruption,” ayon sa Phivolcs.
Ayon pa sa Phivolcs, mula May 2025, ang bulkan ay nagtala na ng short-term swelling sa kanluran hanggang sa timog kanlurang dalisdis ng bulkan.
Dahil sa tumitinding pag-aalboroto ng bulkan, pinayuhan ng Phivolcs ang mga nakatira sa paligid nito na huwag papasok sa loob ng 6 kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ) para makaiwas sa anumang peligrong idudulot ng posibleng pagputok ng bulkan, pyroclastic density currents (PDC), rockfalls, landslides at ballistic projectiles.
Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga Local Government units na magsagawa ng kaukulang paghahanda para sa posibleng paglilikas sakaling tumindi pa ang kundisyon ng Mayon.
Ipinagbabawal din ng Phivolcs ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa may bunganga ng bulkan.
----
Hindi napag-uusapan sa Malacañang ang pagtuldok sa trabaho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kasunod ng ulat na pagsapit ng Pebrero ay titigil na umano ang imbestigasyon ng komisyon dahil dalawa na ang nagbitiw na mga opisyal nito.
Ayon kay Castro, tuloy-tuloy pa rin ang pag-iimbestiga sa anomalya sa flood control projects kahit nagbitiw na sina ICI Commissioners Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo.
Sinabi ni Castro na sinimulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapa imbestiga sa anomalya at siya ang magtatapos nito hanggang sa mapanagot ang mga dapat na managot.
Bukod sa ICI, tuloy-tuloy din ang pag-iimbestiga ng Office of the Ombudsman at Department of Justice. Hinihintay din ng Malacañang na ipasa ng Kongreso ang batas para magkaroon ng isang permanenteng komisyon na sisiyasat sa mga anomalya sa infrastructure projects ng pamahalaan.
Ang hiling lamang aniya ng Pangulo sa ginanap na pagpupulong ng Legislative Executive Development Advisory Council ay huwag magkaroon ng pagdodoble-doble ng trabaho sa Ombudsman at DOJ kapag naisabatas ang independent commission. (Aileen Taliping)