Feb 09, 2026 | 7:30 AM
Ibabalik ng Winnipeg School Division ang full-time kindergarten sa anim na paaralan simula school year 2026–27. Ayon kay Superintendent Matt Henderson, layunin nitong tulungan ang mga pamilyang nahaharap sa kahirapan at kakulangan sa child care, at mabigyan ang mga bata ng mas pantay na oportunidad sa edukasyon.
Ang anim na paaralang kasali ay Dufferin, Lord Nelson, Machray, Ralph Brown, Rockwood, at Weston. Sinabi ng division na pinili ang mga ito base sa pangangailangan at kakayahan ng mga paaralan.
Tinapos ng division ang all-day kindergarten noong 2022–23, ngunit ayon kay Henderson, mahalaga ang programa bilang suporta hindi lang sa pagkatuto ng bata kundi pati sa mga magulang. May inilaan na humigit-kumulang $300,000 para sa expansion, at magbubukas ang registration sa Pebrero 17.
***
Ipinapalabas na sa mga sinehan sa Canada ang Time Hoppers: The Silk Road, ang kauna-unahang Muslim-made animated children’s film na ipinalabas sa buong North America. Pinuri ito ng mga pamilyang nanood sa Winnipeg dahil nagbibigay ito ng bihirang representasyon sa mga Muslim children.
Gawa ng Muslim Kids TV, tampok sa pelikula ang golden age ng Islamic civilization at ang ambag ng mga iskolar.. Ayon sa mga manonood, hinahamon ng pelikula ang stereotypes at nakatulong itong palalimin ang interes ng mga bata sa Muslim history at culture.