Skip to content

February 9 - 8am NEWS

February 9 -  8am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Feb 09, 2026 | 8:30 AM

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na pinatitibay ng pamahalaan ang sektor ng enerhiya upang matiyak ang maaasahan at abot-kayang suplay ng kuryente sa bansa. 

Pahayag ito ng Pangulo sa ginanap na turnover ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants sa Kalayaan, Laguna. 

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang CBK facilities sa pagbalanse ng supply at demand ng kuryente dahil nag-iimbak ito ng tubig gamit ang sobrang kuryente tuwing off-peak hours at ginagamit ito upang lumikha ng kuryente kapag mataas ang demand.

***

Hinihimok ang mga paaralan at educational institutions sa bansa na ideklara ang Pebrero 25 bilang academic holiday para sa paggunita ng EDSA People Power Revolution.

Sa isang joint statement, hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Catholic Education at Catholic Educational Association of the Philippines ang mahigit 1,500 na Catholic schools na miyembro nila na suspendihin ang regular classes sa naturang petsa, at sa halip ay magdaos ng mga aktibidad upang palalimin pa ang pang-unawa ng mga mag-aaral sa makasaysayang pangyayari.

Anila, ang araw na ito ay dapat na ideklarang academic holiday para sa pagninilay, pag-alala, at paghubog sa pagkamamamayan.

Ang EDSA rin aniya ay hindi lamang isang paggunita kundi isang hindi natatapos na kilusan na humihiling ng aktibong pakikibahagi, at nagkakaisang paninindigan mula sa lahat ng sektor.