Tinawag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na “continuing crime” na umiiral na mula pa noon, ang bantang kudeta sa lidetato ng Senado.
Ginawa ni Lacson ang pagkukumpara matapos lumabas sa social media nitong weekend na nagpapahiwatig ng pagbabago sa lidetato na umano’y nag-ugat sa “kawalan ng kasiyahan” sa pamunuan ni Senate President Vicente Sotto III.
“An emerging threat to the Senate leadership? Let’s put it this way - like rebellion, the threat against the Senate presidency is a ‘continuing crime’ since time immemorial,” ani Lacson sa X.
Noong weekend, may mga post sa social media na nagsasabing magkakaroon ng pagbabago sa pamunuan ng Senado, kung saan may ilan umano sa mayorya ang lilipat ng grupo.
Noong Oktubre ng nakaraang taon, ibinasura ni Lacson ang mga kahalintulad na usapan bilang isang “old rehashed psywar tactic” na layuning “magdulot ng kalituhan at maghasik ng intriga” sa hanay ng mga kasapi ng mayorya.
Sinabi rin ni Lacson na wala namang kumakausap sa kanya tungkol sa isyu na tinawag din niyang isang “rumor”.
Kung wala rin aniyang numero o 13 kakamping senador ang gustong mamuno sa Senado ay hindi ito mangyayari.
“Sabi ko nga like rebellion its continuing crime ganyan naman talaga dito kung may numero 13 or more…walang mangyayari,” ani Lacson.
---
Iniisa-isa na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang immediate family member ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa pagtunton sa mga pag-aari niyang property at establisyemento na sinasabing pinagtataguan nito.
Sinabi ni NBI Director Lito Magno na aktibong nakikipag-usap ang NBI sa pamilya ni Ang habang isinasagawa ang follow-up operations sa lahat ng credible leads na kanilang natatanggap.
“Immediate family ni Atong Ang kinakausap ng bureau. We are doing things para ma-resolve natin quickly itong [case],” ani Magno.
Binanggit din ni Magno ang mga pangamba tungkol sa mga posibleng pagtatangkang impluwensyahan ang imbestigasyon, at tiniyak sa publiko na walang sinuman ang nakipag-ugnayan sa NBI tungkol sa mga naturang bagay.
“Sa pagkakaalam po namin, walang nakikipag-ugnayan sa amin with regard to that aspect. Lahat naman ng impormasyon na maaaring valid ay pinupuntahan natin at ginagawa natin yung follow-up operations,” aniya.
Ilang ari-arian at farm ni Ang ang una nang sinuyod ng kanilang mga operatiba at iba pang lugar kabilang ang mga mataas na hotel na may posibleng puntahan ng negosyante bilang pagsisikap na matunton at maberipika ang mga lead.
---