Skip to content

February 3 - 6 am NEWS

February 3 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 03, 2026 | 7:45 AM

Inaantabayanan pa rin umano ng Department of Justice (DOJ) ang warrant of arrest na ilalabas ng San Pablo, Laguna Regional Trial Court (RTC) laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na may kinalaman sa kinakaharap nitong kasong kidnapping kaugnay ng mga tinaguriang ‘missing sabungeros’.

Ayon kay Prosecutor General ­Richard Anthony Fadullon, sa ngayon ay wala pa aniya silang impormasyon at nagsasagawa pa sila ng follow up hinggil dito.

Inaalam din aniya nila kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring iniisyung warrant of arrest ang naturang hukuman.

Gayunman, sinabi ni Fadullon na may dalawa na rin namang hukuman na naglabas ng warrant of arresto laban kay Ang at kanyang mga kapwa akusado, kaugnay ng kinakaharap nilang non-bailable cases.

“As of now wala pa rin kaming information, we are still following it up, although I understand that last week nagkaroon na ng arraignment last Friday,” ani Fadullon.

Una nang naglabas ng warrant of arrest laban kay Ang at kanyang mga kapwa akusado, ang dalawang RTC sa Lipa City, Batangas at Sta. Cruz, Laguna bunsod ng kabuuang 25 bilang ng kasong kidnapping na isinampa laban sa kanila.

----

 Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang tatlong reklamo sa excise tax na isinampa laban sa mga kontratistang sina Curlee at Sarah Discaya at iba pa dahil sa ilang luxury vehicle.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, ang excise tax ay hindi pananagutan ng mag-asawang Discaya dahil ang importer ang responsable sa aspetong ito.

“Nakita po ng panel na hindi po importer sila Sarah at Curlee kaya hindi sila mananagot sa hindi pagbabayad ng excise tax. Ang may pananagutan po na magbayad ng excise tax ay ‘yung nag-import talaga. Kung hindi ninyo binili ang mga kotse,” ani Martinez.

Sangkot sa ibina­surang mga reklamo ang Land Rover/ Range ­Rover at Cadillac Escalade para sa isang kaso; Land Rover at isang Mercedes Benz para sa pangalawang kaso; at isang Mercedes Benz.

Bahagi ito sa isinasagawang preliminary investigation ng DOJ sa tax evasion complaints laban sa mag-asawang Discaya.

Ang dalawang reklamo naman ay mga kasong isasampa ng DOJ sa Court of Tax Appeals.

----

 Naniwala ang Malakanyang na hindi uusad ang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kabila ito na lumabas sa impeachment proceedings ng House Committee on Justice na sufficient in form ang inihaing reklamo laban sa Pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nanindigan ang Pangulo na wala siyang ginawang mali at wala siyang ginawang paglabag sa batas para maging impeachable offense kaya tiwala aniya ito sa kanyang sarili.

Iginagalang din aniya ng ehekutibo ang proseso ng Kamara at hahayaan ang mga mambabatas na gawin ang kanilang trabaho.

Kasabay nito, sinabi ni Castro na nababahala ang Pangulo sa impeachment case hindi para sa kanyang sarili kundi sa magiging epekto nito sa ekonomiya.

Minaliit naman ng Malacañang ang pahayag ng Makabayan bloc na si Pa­ngulong Marcos Jr. ang pinakamalaking isda sa umano’y organized plunder at inihalintulad pa ang Presidente sa kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Kahit kailan aniya ay napakadali sa mga anti-Marcos ang magbintang at magsalita sa harap ng camera subalit hindi naman napapatunayan ng mga ito ang kanilang mga akusasyon.