Skip to content

February 27 - 6 am NEWS

February 27 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 27, 2026 | 7:45 AM

Darating sa bansa si South Korean President Lee Jae Yong sa susunod na linggo, Marso 3 at 4, bilang tugon sa imbitasyon sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ito ang kauna-unahang pagbisita sa bansa ni Lee at unang state visit nito matapos maging epektibo ang free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at South Korea na pinagtibay noong Disyembre 31, 2024.

Kasama ni President Lee sa kanyang state visit ang kabiyak na si First Lady Kim Hea Kyung.

Kasabay ng state visit niya ang ika-77 anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at South Korea na nagsimula noong Marso 1949.

Inaasahang magkakaroon ng bilateral meeting sa pagitan nina Marcos at Lee para talakayin ang iba’t ibang kooperasyon kabilang na rito ang may kinalaman sa depensa, maritime economic and development fields, at people-to-people ties.

Unang nagkita sina Marcos at Lee sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa South Korea noong 2025. (Aileen Taliping)

---

Umugong ang balitang kinompronta diumano ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV si Atty. Barry Gutierrez matapos siyang akusahan na nag-a-audition na running mate ni Vice President Sara Duterte para sa 2028 presidential elections.

Ayon sa source ng Abante, nagkrus ang landas ng dalawa sa birthday celebration ni Senador Risa Hontiveros nitong Huwebes ng gabi, Pebrero 26.

Si Gutierrez ay nagsilbi bilang tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo.

Kabilang sa dumalo sa event si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, iba pang miyembro ng majority bloc at mga lokal na opisyal ng gobyerno.

Sinabi ng nakasaksi na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa.

Ngunit sa huli, sinabi umano ni Aquino kay Gutierrez na mabuti at nagkausap sila ng personal upang maliwanagan ang ugat ng kanilang pagtatalo.

Sa kabila nito, inabot lang ng 30 minuto sa event si Aquino, na maaaring na-bad trip sa engkuwentro kay Gutierrez.

Nagsimula ang lahat sa sinabi ni Aquino noong nakaraang linggo na dapat litisin sa Pilipinas ang mga kaso ng extrajudicial killings sa giyera kontra droga.

Ikinadismaya ni Gutierrez ang pahayag ni Aquino at nagpatutsada na maaaring gusto umano ng senador na maging running mate ni Duterte sa susunod na halalan.

“Kung ang intention niyan ay ligawan o parang magpalambot ng puso ng mga supporter ng mga Duterte, malabo ‘yun dahil kung presidente ang kanyang hinahabol, nag-declare na si VP Sara,” wika ni Gutierrez sa programang “Politiko Nightly” ng Bilyonaryo News Channel.