Bumaba ang bilang ng mga bumili ng kanilang sasakyan nitong nakaraang buwan ng Enero.
Ayon sa ChamNber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (Campi) at Truck Manufacturers Association mayroong 35,053 units ang naibenta.
Ito ay mas mababa ng 26 percent noong buwan ng Disyembre na mayroong 47,371 units.
Sinabi ni Campi President Jose Maria Atienza na ang isa sa mga dahilan ng pagbaba ay dahil sa dumarami na ang bumibili ng mga electric vehicles.
Noong Enero kasi ay mayroong 2,610 units na mga electric vehicles na mas mataas na 63.1 percent sa parehas na buwan noong nakaraang taon na mayroong 1,600 units lamang.
----
Patuloy na umuukit ng kasaysayan ang Philippine Ports Authority (PPA) matapos makapagtala ng record-breaking na P30.09 bilyong kita para sa Fiscal Year 2025 ayon sa kanilang unaudited financial report, mas mataas ng 8.86% kumpara sa 2024.
Dahil dito, inaprubahan ng PPA Board of Directors ang pinakamalaking dividend remittance sa kasaysayan ng ahensiya na aabot sa P5.33 bilyon o 52% ng net earnings, alinsunod sa Dividends Law na nag-aatas sa government-owned at controlled corporations na mag-remit ng hindi bababa sa 50% ng kanilang kita sa national government.
Ayon sa PPA, ang record revenue ay bunga ng tuloy-tuloy na paglago ng vessel traffic at cargo throughput, mas mataas na storage revenues, mas matatag na regulatory income dahil sa tariff adjustments at paborableng foreign exchange gains.
“With its consistent upward revenue trajectory, PPA is well-positioned to fund ongoing and upcoming port infrastructure projects aimed at enhancing trade facilitation, improving logistics efficiency, and supporting tourism growth. This is a reflection of our commitment to modernizing our ports, strategic reforms, and the collective effort of PPA employees and stakeholders,” ani PPA General Manager Jay Santiago.
Mula 2016 hanggang 2024, tuloy-tuloy ang pagtaas ng kita ng ahensya—mula P14.32 bilyon noong 2016 hanggang P27.64 bilyon noong 2024, habang ang regulatory income ay tumaas mula P6.82 bilyon hanggang P15.68 bilyon sa parehong panahon.
Tiniyak ng PPA na ipagpapatuloy ang pangako sa paghahatid ng modern, sustainable, at matatag na port infrastructure na susuporta sa paglago ng ekonomiya at inklusibong kaunlaran ng bansa. (Angelika Cabral)