Mariing itinanggi ni dating ACT Teachers Party-List Rep. France Castro ang paratang na siya umano’y tumanggap ng male-maletang pera mula kay dating Cong. Zaldy Co.
Ayon kay Castro sa panayam ng Bombo Radyo, ito ay isang “orchestrated scheme ng mga Duterte supporters” na layong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga kasong kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) at sa mga panawagang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Castro na organisadong taktika lamang ang mga kumakalat na alegasyon, na katulad ng mga naunang harassment cases na isinampa laban sa kanya.
Noong nakaraang taon, sinabi rin ni Castro na ang Duterte political dynasty ang nasa likod ng mga contrived ethics complaints laban sa kanya, bilang paraan upang takpan ang umano’y katiwalian at pag-abuso sa confidential at intelligence funds (CIF).
Dagdag pa niya, malinaw na ginagamit ang mga ganitong akusasyon upang siraan ang mga kritiko ng administrasyon at pahinain ang Makabayan bloc.
Sa kabila nito, nanindigan si Castro na patuloy niyang ipaglalaban ang transparency at accountability sa pamahalaan, lalo na sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong imprastruktura at serbisyong panlipunan.
Sa kasalukuyan, mainit pa ring tinatalakay sa Kongreso at sa publiko ang tinaguriang maleta scandal, kung saan ilang dating sundalo ang nagsabing nakasaksi sila ng umano’y paghahatid ng kickbacks mula sa flood control projects.
Ngunit para kay Castro, malinaw na ito ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng paninira laban sa mga progresibong mambabatas.
----
Iginiit ng defense lawyer ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Nicholas Kaufman na walang partikular na direktiba mula sa dating Pangulo para patayin ang mga drug suspect sa kasagsagan ng kampaniya kontra iligal na droga.
Ginawa ni Kaufman ang pahayag sa pagpapatuloy ng confirmation of charges hearing laban sa dating Pangulo ngayong Huwebes, Pebrero 26, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay sa mga pagpatay sa anti-drugs campaign noong alkalde siya ng Davao City at Pangulo ng Pilipinas.
Ayon kay Kaufman, walang smoking gun o matibay na ebidensiya sa kaso at wala umano kahit isang testigo may kaugnayan sa alinman sa 49 na insidenteng inaakusa sa dating Pangulo ang tetestigo na nakatanggap ng direktang utos mula sa dating Pangulo na lumabas at pumatay.
Pinuna rin ni Kaufman ang alegasyon ng prosekusyon na naglunsad ng pag-atake si Duterte sa buong populasyon ng Pilipinas salig sa polisiya para ma-nutralisa ang mga indibidwal na pinaniniwalaang sangkot sa krimen.
Ikinatuwiran din ni Kaufman na ang mga namatay sa anti-drug operations ay minimal kumpara sa bilang ng mga naaresto at operasyong isinagawa ng state forces.
Binalikan ni Kaufman ang binanggit na datos ng ICC Prosecution mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nasa 5,281 drug personalities ang napatay sa anti-drug operations sa unang dalawa’t kalahating taon ng presidency ni Duterte.
Subalit, ipinakita ni Kaufman ang isang chart na nagpapakita na mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 29, nasa 97% ng drug personalities ang inaresto sa anti-drug operations habang 3% ang mga binawian ng buhay.