Skip to content

February 25 - 6 am NEWS

February 25 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Feb 25, 2026 | 6:53 AM

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr na kailangang patatagin ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kanilang supply chains at palakasin ang kalakalan sa loob mismo ng rehiyon.

Ayon sa Pangulo, isa sa mahahalagang aral mula sa COVID-19 pandemic ay ang pangangailangang gawing mas matibay ang supply chains, lalo na sa pagitan ng mga kapwa bansang miyembro ng ASEAN.

Inihayag ni Pangulong Marcos na tinatayang nasa 23 porsyento lamang ng kabuuang kalakalan ng ASEAN ang nagmumula sa intra-trade o kalakalan sa loob ng rehiyon, habang 77 porsyento ay mula sa labas ng ASEAN.

Dahil dito, nagkaroon aniya ng kasunduan ang mga miyembrong bansa na unahing palakasin ang ugnayang pangkalakalan sa loob ng ASEAN region.

Sinabi ng Pangulo, kabilang sa mga hakbang na tinatalakay ay ang pagbuo ng common ASEAN power grid at ang pag-standardize ng mga proseso sa importasyon upang mas mapabilis ang transaksyon at mas mapalalim ang pag-unawa sa batas at sistema ng pagnenegosyo ng bawat bansa.

**

Ilang paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsuspinde ng kanilang klase nitong Miyerkules, Pebrero 25, bilang paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Naglabas ng anunsyo noong Lunes ang mga paaralang matatagpuan sa kahabaan ng EDSA Ortigas Avenue (EDSOR) kung saan inanunsyo ang suspensyon ng klase at hinikayat ang mga estudyante, guro, at kawani na makiisa sa isang pilgrimage sa EDSA Shrine.

Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Pebrero 25 bilang isang working holiday, taliwas sa mga nakaraang administrasyon na ginawang special non-working holiday ang pagdiriwang.