Inamin ni Senator Risa Hontiveros na isang malaking hamon at masakit na proseso para sa Senado bilang institusyon ang pagkakatukoy sa dalawa nilang kasamahan bilang mga co-perpetrator sa imbestigasyon ng “International Criminal Court” o ICC.
Ito ay matapos pormal na lumabas ang mga pangalan nina Senators Ronald Bato dela Rosa at Christopher Bong Go sa isinagawang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Hontiveros, walang magagawa ang Mataas na Kapulungan kundi harapin ang sitwasyon.
Samantala, inilarawan din ng mambabatas ang araw ng pagdinig ng ICC bilang makasaysayan dahil nataon ito sa anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
**
Nagpasok ng mosyon ang National Bureau of Investigation upang magdagdag ng panibagong mga ebidensya pati respondents sa reklamong plunder na isinampa kay Sen. Jinggoy Estrada.
Ayon mismo kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, ito’y kasunod ng ‘motion to submit additional evidence and respondents’ sa panig ng ‘complainant’ o ng kawanihan.
Sa naganap na preliminary investigation hinggil sa plunder case, ibinahagi ng tagapagsalita na hindi nagsumite si Sen. Jinggoy Estrada ng kanyang kontra-salaysay.
Habang intasan naman ng prosekusyon ang NBI na bigyan ng kopya ang mga respondents ng kanilang isasamang mga karagdagang ebidensya sa reklamo.
Binigyan sila ng ilang araw lamang hanggang sa ika-26 ng Pebrero, sa kasalukuyang taon 2026.
Kaya naman sa oras na mabigyan na ng kopya ang mga respondents, pagtitiyak ng Department of Justice na sila’y mayroong panahon at pagkakataon upang ito’y sagutin.
**
Naniniwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat ang susunod na lider ng bansa ay dapat may malalim na kaalaman o marunong sa ekonomiya.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum sa Makati.
Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang pag-unawa sa ekonomiya upang makalikha ng trabaho, makontrol ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin o ang inflation, at matiyak na may sapat na suplay ng pagkain.
Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan sa pagpapabuti ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan upang mas maging mahusay ang mga manggagawa.
Ayon pa sa Pangulo, kailangan ang isang lider ay tunay na nagmamahal sa bansa at nakatuon sa nation-building, at hindi sa pulitika.
Dagdag niya, mahalaga ang karanasan, kredibilidad, at tiwala ng publiko sa susunod na pangulo.