Skip to content

February 23 - 8 am NEWS

February 23 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 23, 2026 | 10:02 AM

Isang babaeng pulis ang nasawi at marami pang iba ang nasugatan nang yumanig ang lungsod ng Lviv sa western Ukraine, sa isang insidenteng itinuring ng mga awtoridad bilang “terrorist attack.”

Ayon sa ulat, nasawi ang 23-taong-gulang na pulis na si Viktoria Shpylka, habang nasira ang isang patrol car at isang sibilyang sasakyan. Dalawampu’t ilang katao pa ang sugatan.

Nagkaroon ng pagsabog habang tumutugon ang mga pulis sa ulat ng break-in sa isang tindahan malapit sa sentro ng lungsod.

Sinabi ng Ukrainian National Police na ginamit ang homemade explosives na inilagay sa mga basurahan.

Naganap ang unang pagsabog matapos dumating ang mga pulis, at sinundan ito ng isa pang pagsabog nang dumating ang ikalawang grupo ng mga opisyal.

Ayon kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky, nakapiit na ang ilang indibidwal, kabilang ang isang 33-taong-gulang na babae mula sa Staryi Sambir malapit sa hangganan ng Poland, na pinaghihinalaang nagsagawa ng atake sa utos umano ng isang handler mula sa Russia.

---

Nagdeklara ng state of emergency ang ilang mga estado ng US dahil sa banta ng matinding pag-ulan ng yelo.

Kinabibilangan ito nina New Jersey Gov. Mikie Sherrill , New York, Gov. Kathy Hochul at Philadelphia Mayor Cherelle Parker.

Tinatayang aabot sa 35 milyong katao ang maapektuhan ng matinding snow storm mula Philadelphia hanggang Boston.

Sa New York ay kinansela na nila ang klase ganun din ay aabot sa 6,000 flights ang nakansela dahil sa banta ng snow storm.

Nagpakalat naman si Washington, DC, Mayor Muriel Bowser ng mga Snow Team na kinabibilangan ng 200 heavy at light equipment na tutulong sa pag-alis ng mga yelo sa kalsada.

Base kasi sa pagtaya ng National Weather Service na aabot sa isang talampakan na yelo ang bubuhos sa Philadelphia at New York City.

---

Nagsagawa ang Pakistan ng malawakang airstrikes sa Afghanistan.

Ayon sa Taliban na mayroong 18 katao ang nasawi kabilang na ang mga babae at bata.

Target ng atake ang pitong kampo ng militanteng grupo malapit sa border ng Pakistan at Afghanistan.

Isa umano itong pagganti matapos ang ginawang suicide bombing ng Taliban sa Pakistan noong nakaraang mga buwan.

Kinondina ito ng Taliban kung saan maraming mga sibilyan na naninirahan sa Nangarhar at Paktika province ang nasawi.