Ganap na pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag dumalo sa nakatakdang confirmation of charges hearing kaugnay ng kanyang war on drugs.
Sa dokumentong may petsang Pebrero 20, 2026, sinabi ng Chamber: “The Chamber hereby grants the request; decides that the hearing on the confirmation of charges will be held in the absence of Mr. Duterte.”
Kasabay nito, inatasan ng Chamber ang kampo ni Duterte, ang ICC Prosecutors, at ang common legal representative ng mga biktima na tukuyin kung alin sa kanilang mga filings ang maaaring gawing public o dapat manatiling redacted.
Ang confirmation of charges hearing ay nakatakda sa Pebrero 23, 24, 26, at 27, 2026 sa The Hague, Netherlands.
Matatandaang mas maaga ngayong linggo, naglabas si Duterte ng pahayag na i-waive ang kanyang karapatang dumalo sa hearing, dahil sa kanyang edad, kalusugan, at dahil hindi niya kinikilala ang hurisdiksiyon ng ICC.
----
Posible umanong unti-unti nang mararamdaman ang pababago sa political alignment ng ilang mga mambabatas, kasunod ng deklarasyon ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Ayon kay Caloocan Rep. Edgar Erice, tiyak na mapapansin na ang ilang pagbabago sa alyansa ng ilang mambabatas, lalo na kung tatalakayin na at pagdedesisyunan ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Gayunpaman, naniniwala si Erice na ang desisyon ng mga mambabatas ukol sa reklamo laban sa pangalawang pangulo ay dedepende pa rin sa kung paano dumepensa ang kaniyang kampo laban sa mga alegasyong nakapaloob sa mga reklamo.
Kasalukuyang nahaharap ang pangalawang pangulo sa apat na impeachment complaint na inihain sa magkakaibang araw.
Ayon kay Erice, bagaman posibleng ituturing ng kampo ng pangalawang pangulo na strategic ang kanilang maagang deklarasyon, marami pa rin ang magbabago sa loob ng dalawang taon o bago ang 2028 polls.
Sa kabilang banda, mula noong nagdeklara si VP Sara na tatakbo sa pagkapangulo sa susunod na halalan nagsimula na ring mag-organisa ang kaniyang kampo ng iba’t-ibang support group.
Isa na rito ang Masa-Sara Duterte Alliance (MASADA), isang nationwide campaign na nanghihikayat sa mahigit 32 milyong Pilipino na suportahan muli ang pangalawang pangulo sa ikalawang pagkakataon.