Skip to content

February 2 - 8 am NEWS

February 2 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 02, 2026 | 9:49 AM

Binitay ng China ang apat pang miyembro ng notorious mafia family sa Myanmar.

Kabilang ang mga ito sa Bai family mafia, ang numero uno umanong notorious dynasties na nagpapatakbo ng scam centres sa Myanmar base sa report ng state media.

Kasama rin ang mga ito sa 21 miyembro at associates na hinatulan ng kamatayan ng korte sa Guangdong province para sa kasong fraud, homicide, injury at iba pang krimen.

Noong Nobiyembre 2025, sinentensiyahan ng korte ang lima sa kanila kabilang ang patriarch ng naturang clan na si Bai Suocheng, na pumanaw din dahil sa sakit matapos mahatulan.


Habang noon lamang nakalipas na linggo, binitay ang 11 miyembro ng Ming family mafia bilang bahagi ng crackdown sa scam operations sa South East Asia na nakapambiktima ng libu-libong Chinese.

---

Nagbabala si Iran Supreme leader Ayatollah Ali Khamenei ng posibleng pagsiklab ng regional conflict sakaling umatake ang Amerika.

Sinabi ni Khamenei na batid ng Amerika na sakaling magpasimula ito ng digmaan, hahantong ito sa isang regional war.

Ginawa ng Iran Supreme leader ang babala matapos magbanta si US President Donald Trump ng pakikialam sa Iran kaugnay sa nuclear ambitions nito at matapos ang deadly crackdown sa mga protesta kontra sa gobyerno ng Iran.

Bilang parte rin ng ginagawang build up ng pwersa ng Amerika malapit sa Iran, nagpadala ito ng aircraft carrier na USS Abraham Lincoln sa rehiyon at noong nakaraang linggo, kinumpirma ng US Central Command na nagooperate ito sa may Arabian Sea.


Subalit, hindi natitinag ang Iran Supreme leader at sinabing hindi natatakot ang Iran sa mga aksiyon ng Amerika.

Samantala, base sa datos mula sa US-based Human Rights Activists News Agency, mahigit 6,300 katao na ang kumpirmadong napatay sa kaguluhan sa Iran mula nang sumiklab ito noong Disyembre 2025.

-----

 Labis ang pangamba at paghahanda ng ilang mga Pinoy sa Tennessee dahil sa nararanasang winter storm sa kanilang estado at sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.

Sa estado ng Tennessee pa lamang, umabot na sa 14 ang bilang ng nasawi dahil sa winter storm na pinangalanang Fern.

Kabilang sa mga estadong idineklarang nasa ilalim ng state of emergency ang New York, Missouri, Tennessee, Virginia, Maryland, at Pennsylvania. Kasama rin ang Washington D.C., Texas, Louisiana, Mississippi, Alabama, Georgia, South Carolina, Michigan, North Carolina, at Philadelphia. Tinatayang mahigit isang daan na ang naiulat na nasawi sa buong bansa.

Sa panayam ng 102.7 Star FM Manila kay Art Chicano, isang taon nang Supermarket Supervisor sa Tennessee, ibinahagi niya ang kanyang karanasan at mga naging paghahanda sa matinding winter storm.


Ayon sa ulat ng mga meteorologist, maaari pang tumagal ang winter storm sa Estados Unidos hanggang sa unang mga araw ng Pebrero, na posibleng magresulta sa dalawampung pulgadang kapal ng niyebe.