Sinusuri na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng ebidensiya kaugnay sa mauling complaint na inihain ni alyas Totoy laban kina Rhian Ramos, Michelle Dee at Samantha Panlilio.
Ayon kay NBI Director Lito Magno, masusing sinisiyasat ng mga imbestigador ang claims ng kampo nina Michelle Dee na nasa Iloilo siya noong nangyari ang umano’y pambubugbog kay alyas Totoy. Subalit, sa salaysay ng driver nangyari ang pananakit sa kaniya ng mas maaga bago pa man bumiyahe si Dee.
Kabilang aniya sa mga bina-validate nilang mga dokumento ang lahat ng statement ng mga sangkot, gayundin ang CCTV footage, flight details kasama na ang medico-legal report.
Maliban pa sa mauling incident sa condominium ni Dee, sisiyasatin din ng NBI ang claim ng driver na tinorture siya sa Makati police station para paaminin na ninakaw niya ang sensitibong film material na pagaari nila Dee at Ramos.
Samantala, ayon naman sa mga abogado ni Panlilio, hindi pa nababasa ng kanilang kliyente ang reklamo subalit nakahanda aniya ito na makipagtulungan sa mga awtoridad para malinis ang kaniyang pangalan at kumpiyansang maibabasura ito bilang gawa-gawa lamang.
------
Binigyan na ng go signal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensiya na bayaran ang mga contractor na maayos ang paggawa sa mga hinawakang proyekto sa gobyerno.
Ito ang inianunsiyo ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, matapos ang pulong ng Pangulo sa kanyang economic managers at iginiit na sumulong para ia¬ngat ang ekonomiya ng bansa.
Natigil ang transaksiyon ng gobyerno sa mga contractor noong nakalipas na taon matapos pumutok ang flood control scam at pinaimbestigahan ng Presidente ang mga sangkot sa pagnanakaw sa pondo ng bayan.
Ayon kay Castro, kasama sa utos ng Presidente ay bilisan ang proseso sa bayad ng mga contractor na maayos ang trabaho at hindi naging pasaway sa kanilang mga proyekto.
“Ipinag-utos na ng Pangulo na siguruhing mababayaran ang mga contractor na maayos tumupad sa kanilang mga kontrata. Mas mabilis na proseso ang bayad, mas maayos na trabaho para sa mga Pilipino,” ani Castro.
Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang mga gabinete nito na siguruhing nakatutok ang kanilang mga ahensiya para sa mabilis at maayos na paggawa ng mga infrastructure project ng gobyerno. (Aileen Taliping)
----
Maaaring makatanggap ng pinalawak na benepisyo sa kalusugan ang mga middle-income Filipino na direktang nagbabayad ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), habang pinag-aaralan ng ahensya ang mga bagong programa sa ilalim ng paggabay ng Department of Health (DOH).
Sa isang live radio broadcast, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na layon ng mga panukala na mapabuti ang serbisyo para sa mga miyembrong direktang nagbabayad ng premium mula sa sahod o kita sa negosyo, bilang dagdag sa mga umiiral na programa para sa mga sponsored member.
“Sa loob ng maraming taon, ang pokus namin ay ang tinatawag na indirect o sponsored programs, kung saan ang mga benepisyaryo ay hindi nagbabayad ng premium ngunit patuloy na tumatanggap ng benepisyo ng PhilHealth na pinopondohan ng gobyerno,” ayon kay Herbosa sa salitang Ingles.
Dagdag pa niya, “sa bagong programang ito, kailangan nating pagbutihin ang mga serbisyo para sa middle class.”
Sinabi rin ni Herbosa na binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangangailangang suportahan ang mga direct contributor. Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ang mas maayos na hospitalization.
Ang mga direct contributor ay kinabibilangan ng mga empleyado, self-employed, at mga may negosyo na regular na nagbabayad ng premium.
“Napag-usapan namin [ni Executive Secretary Ralph Recto] ang posibilidad ng mas maayos na accommodations para sa mga direct member. Sa ngayon, pare-pareho ang basic accommodations ng lahat, ngunit maaari nating pag-isipan ang dalawang pasyente kada kuwarto o paglalagay ng air conditioning upang mas mapabuti ang benepisyo para sa mga nagbabayad,” ani Herbosa.
Isa pang panukala ang pagpapalawak ng PhilHealth packages para sa mga ospital na nagpapatupad ng zero-balance billing (ZBB) program.
“Makatuwiran ito dahil hinihikayat nito ang mga LGU hospital na ipatupad ang ZBB. Pag-aaralan ng aming actuarial team kung kakayanin ito ng PhilHealth. Malaki na ang ibinabayad namin sa mga ospital—umaabot sa P300 bilyon—at maaari pa itong tumaas ngayong taon dahil sa dami ng inilalabas na PhilHealth packages,” dagdag niya.
Matatandaang inanunsyo ni Marcos noong nakaraang taon na ipatutupad ang ZBB sa lahat ng 87 ospital na pinatatakbo ng DOH. — Ayon sa ulat ni Christine Boton / The STAR