Skip to content

February 2 - 6 am NEWS

February 2 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 02, 2026 | 7:48 AM

Inihayag ng Malacañang na nababahala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa posibleng epekto ng mga isinampang impeachment complaint laban sa kanya, hindi para sa kanyang sarili kundi para sa kapakanan ng bansa at ng ekonomiya.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro na ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa Pangulo ay may malawak na implikasyon at maaaring makaapekto hindi lamang sa liderato kundi pati sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa.

Binigyang-diin ni Casto, na nananatiling kumpiyansa ang Pangulo na wala siyang ginawang mali, walang nilabag na batas, at wala siyang nagawang impeachable offense, subalit ikinababahala niya ang maaaring maging epekto ng proseso sa tiwala ng publiko at sa takbo ng ekonomiya.


Nanindigan naman ang Palasyo na wala silang kinalaman sa pagsasampa ng dalawang  impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Castro nasa kamay na ng kongreso na busisiin  at pag desisyunan ang  mga kasong ito laban sa pangalawang Pangulo.

Sinabi ni Castro, halos wala rin namang bago sa isinampang dalawang kaso laban sa bise presidente, kung meron man aniya ay konte lamang.

----

Hiniling ni House Committee on Justice chair at Batangas Representative Gerville Luistro sa Korte Suprema na linawin kung maaari ng maghain ang mga complainant ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay dahil sa magkasalungat na interpretasyon sa ruling ng korte kaugnay sa one-year bar rule sa paghahain ng reklamo.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa isang pulong balitaan ngayong Lunes, matapos ihain ang dalawang impeachment complaints laban sa Bise Presidente sa Office of the House Secretary General.

Paliwanag ni Rep. Luistro, sa orihinal na desisyon ng Korte Suprema, naging basehan para sa one-year prohibition period ang impeachment complaint na inihain ng one-third ng House of Representatives noong Pebrero 5, 2025 kaya ang ikalawang impeachment ay maaaring simulang ihain sa Pebrero a-6 pa.


Subalit kung pagbabasehan naman ang kamakailang resolution ng Korte Suprema, na nagpatibay sa ruling nito na unconstitutional ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente, itinuturing na “deemed initiated” o sinimulan ang naunang impeachment complaint na inihain noong Disyembre 2, 2024 dahil sa kawalan ng aksiyon ng Kamara matapos magpaso ang 10-session day period noong January 14, 2025, kayat ang one-year prohibition period ay nagpaso na noong Enero 15, 2026.

Kayat tanong ng mambabatas anong petsa ang kanilang dapat sundin. Umaasa naman si Luistro na mabibigyang linaw ito ng Kataas-taasang hukuman.

Nitong Lunes, inihain ng progresibong grupo ang unang impeachment complaint laban kay VP Sara na inendorso ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc. Ito ay sinundan ng ikalawang reklamo mula naman sa coalition ng civil society leaders at religious figures na inendorso nina Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña at ML Partylist Rep. Leila de Lima. Ilan sa kanilang basehan sa paghahain ng reklamo laban sa Pangalawang Pangulo ang umano’y misuse ng confidential funds at betrayal of public trust bilang head ng DepEd at OVP.