Skip to content

February 19 - 8 am NEWS

February 19 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Feb 19, 2026 | 10:15 AM

Inaresto ng mga otoridad si Andrew Mountbatten-Windsor o dating si Prince Andrew dahil sa suspicion of misconduct in public office.

Dumating ang mga Thames Valley Police sa Sandringham Estate sa Norfolk , England kung saan naninirahan ang kapatid ni King Charles III.

Nahaharap kasi sa imbestigasyon si Mountbatten-Windsor dahil umano sa pagbibigay ng mga confidential na mga dokumento sa namayapang sex offender na si Jeffrey Epstein.

Isinabay ang pag-aresto kay Mountbatten-Windsor kasabay ng kaniyang ika-66 na kaarawan.

Makailang ulit na pinabulaanan ni Mountbatten-Windsor ang nasabing mga alegasyon.

----

Naghahanda na umano ang US military na maglunsad ng strike sa Iran na posibleng isagawa sa weekend.

Subalit, wala pang pinal na desisyon si US President Donald Trump kung papayagan niya ang naturang aksiyon, base sa ilang source na pamilyar sa naturang usapin.

Naipaalam na umano sa White House na nakahanda na ang militar para umatake sa weekend, ayon sa isang source, kasunod ng namataang buildup o pagdami ng air at naval assets ng Amerika sa mga nakalipas na araw sa may Middle East.

Subalit, ayon sa isang source, pinagdedebatehan pa ng pribado ni Trump kung maglulunsad ng military action at kinokonsulta ang advisers at kaniyang kaalyado kung ano ang mas mainam na aksiyon.

Matatandaan, noong araw ng Martes, nagsagawa ng indirect talks ang mga negotiator ng Iran at US sa Geneva para mapahupa ang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa subalit natapos ito nang walang malinaw na resolution.

----

Tumestigo ang founder ng Meta na si Mark Zuckerberg sa korte kaugnay sa alegasyong tinatarget ng kaniyang kompaniya ang mga user na menor de edad.

Ikinatuwiran ng mga complainant na gumagawa ang naturang tech company ng features na naghihikayat sa mga kabataan na ma-hook o maging addicted sa social media.

Sa kaniyang unang pagharap sa Los Angeles County Superior Court, dumipensa si Zuckerberg na “mischaracterize” ang mga komunikasyong iprinisenta bilang parte ng landmark trial kung addictive ang social media platforms gaya ng Instagram para sa mga bata.

Bagamat inamin ni Zuckerberg na mahirap para sa Meta na ipatupad ang age restrictions sa Instagram.

Gayunman, makailang ulit na ring nanindigan ang Meta na gumagawa na ng aksiyon ang kompaniya para protektahan ang mga kabataan na user ng social media at pinagbawalan ang mga edad 13 pababa na gumamit ng naturang platform.

Nag-ugat ang naturang lawsuit laban sa major social media platforms gaya ng Meta, Google, Youtube, TikTok at Snapchat, matapos akusahan ng lead plaintiff na kilala sa kaniyang initials na K.G.M. ang mga kompaniya ng pagpapatakbo sa mga ito sa addictive na paraan na nakakapinsala o nakakasama sa mental health ng mga bata.

Ilang mga bansa na rin ang nagpapatupad ng restriksyon sa paggamit ng social media sa mga kabataan. Pinakahuli dito ang Australia na nagpatupad ng ban sa social media accounts sa mga edad 16 pababa.

Ikinokonsidera na rin ng UK, Denmark, France at Spain ang kaparehong hakbang.