Tinawag ni National Union of People’s Lawyers President Efraim Cortez bilang kaduwagan ang hindi pagharap ni dating Pang. Rodrigo Duterte sa kaniyang confirmation of charges hearing na nakatakda sa Pebrero-23.
Kung babalikan ang naging liham ng dating pangulo sa International Criminal Court, nakasaad dito na hindi umano niya nais dumalo sa isang legal proceedings na kaniya ring makakalimutan sa loob ng ilang minuto, kasabay ng paggigiit na tanggap na niya ang katotohanang mamamatay siya sa loob ng kulungan.
Ayon naman kay Atty. Cortez, hindi maituturing na ‘act of defiance’ ang hindi pagdalo ng dating pangulo kungdi isang kaduwagan.
Binalikan din ng batikang abogado ang pagkaka-aresto ni Duterte hanggang sa tuluyan siyang madala sa The Hague.
***
Pinalakas pa ng Pilipinas at Amerika ang kanilang alyansa para maiwasan ang maritime conflict sa West Philippine Sea ayon sa Embahada ng Estados Unidos.
Ito ay sa gitna ng nagpapatuloy na agresyon ng mga barko ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Sa isang statement, sinabi ng US Embassy na committed silang ipagpatuloy ang pagbabantay sa Indo-Pacific para mapigilan ang conflict at para makabuo ng malakas na mga hakbang para mapanatiling bukas ang sea lanes at hindi makubkob ng ibang bansa.
Binigyang diin din ng embahada ang kolektibong depensa na mahalaga sa pagpalag at pagpigil sa agresyon saan man sa First Island Chain, na nagsisilbing pangunahing maritime barrier para sa US at mga kaalyado nito kabilang ang Pilipinas para mapigilan ang naval expansion ng China sa Pasipiko.