Nananatiling walang komunikasyon ang Senado kay Sen. Ronald Dela Rosa, mahigit tatlong buwan mula noong hulin siyang namataan sa mataas na kapulungan.
Sa isang panayam, natanong si Sen. Panfilo Lacson kung nakikipag-ugnayan sa mga senador o sa liderato ng Senado ang dating heneral sa loob ng ilang buwan na pagkawala.
Ayon kay Lacson, mistulang ‘invisible’ ngayon si Dela Rosa.
Nakakausap lamang aniya ng Senado ang isa sa kaniyang anak at ang ilang staff ni Dela Rosa na patuloy na nagtatrabaho sa kaniyang opisina. Maging sila aniya ay aminado ring hindi pa nakikipag-ugnayan ang senador.
Wala din aniyang ipinadalang mensahe ang naturang senador, na nagsasabing gusto na njyang bumalik sa senat.
**
Isinapubliko na ng National Mapping and Resource Information Authority o NAMRIA ang opisyal na administrative map ng Pilipinas na malinaw na nagpapakita ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa NAMRIA, ang mga opisyal na mapa at nautical charts ng bansa ay mahalaga sa paggiit at pangangalaga ng maritime jurisdiction ng Pilipinas sa WPS.
Simula pa noong 2012, sa ilalim ng Aquino administration, pormal nang ginagamit ng pamahalaan ang katawagang “West Philippine Sea” sa mga publikasyon, at ito ay tuloy-tuloy na inilalagay sa lahat ng opisyal na mapa at charts.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang mga materyales na ito ay ginagamit ng mga mariners, planners, researchers, at iba’t ibang institusyon sa loob at labas ng bansa para sa navigation, geographic information, at safety at sea.
----
Dalawang Chinese warships ang namataang nakabuntot at nagbabantay sa idinaos na 14th Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) ng Pilipinas, Amerika at Australia sa West Philippine Sea (WPS), malapit sa Bajo de Masinloc nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Captain Adrian Vargas, Executive Officer ng BRP Teresa Magbanua, ng Philippine Coast Guard (PCG), biglaan ang presensiya ng mga People’s Liberation Army Navy (PLA-Navy) vessels ngunit nanatili naman aniya ito sa labas ng itinalagang ‘operation box’ ng isinagawang joint exercises sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos at Australia.
“Bigla na lang silang lumitaw. So far, hindi naman sila lumapit sa ating ‘operation box,” Ani Vargas.
Hindi rin naman aniya nakaapekto sa kanilang idinaraos na aktibidad ang presensiya ng mga barko at wala rin umanong anumang radio challenge na naganap.
Kabilang sa isinagawang pagsasanay ang Communication Exercise, Maritime Domain Awareness, Joint Patrol, Division Tactics, Photo Exercise, Replenishment at Sea, at “hotwash” debriefing.
Nag-deploy din ang mga naturang bansa ng ilang air assets at apat na surface assets para sa aktibidad, kabilang ang flagship vessel ng PCG na BRP Teresa Magbanua at BRP Diego Silang ng Philippine Navy, USS Dewey ng US at HMAS Toowoomba ng Australia.